UP Pep Squad’s Upcoming Themes

by Sankage Steno

Aminin mo, di na umeepek ‘yung themes ng UP para manalo sa UAAP Cheerdance Competition. Pinakadabest pa rin ‘yung Tribo and then ‘yung UP Rocks, I guess. Sa nakaraang dalawang taon, di na talaga umubra ‘yung kyeme nating ganito laban sa skills at pera ng NU.

Sa totoo lang, malinis at malakas ‘yung performance ng NU. At ‘yung lumilipad nilang stunts, napa-shet ako. Nu’ng makita ko ‘yun kahapon, sabi ko sa sarili ko, “Okay, kayo na first.” Tinalo ‘yung gender-bending routine ng UP. O baka naman di napansin ng mga judge na ‘yung pyramids ng UP e babae ‘yung bumubuhat sa lalake? Pare-pareho kasi sila ng itsura from afar. Pero that’s the point: Equality nga ‘yung theme e.

Now, as far as I’m concerned, there are two ways for UP to regain the championship: Una, palitan ‘yung coach at choreographer; pangalawa, kung gusto talaga nilang panindigan ‘yung mga tema nila taun-taon at ‘yung kanilang mga advocacies, itodo na nila. ‘Yung tipong, ay puta, WTF, sumabog utak ko. Ganyan.

Ito ‘yung mga naisip kong sure-win na theme ng UP para sa susunod nilang pakikipaglaban sa CDC:

1. MRT – Sa sobrang taas ng pyramids at ng hagis sa flyers, mag-o-overshoot na sila sa Araneta Coliseum o sa MoA Arena. As in aabot sa bubong and will literally raise the roof. Ta’s pag-dismount o pagbaba ng flyer, stable ‘yung sapo. Siksikan kasi ‘yung base, di mahulugang-karayom. Ewan ko na lang kung di pa sila manalo n’yan.

2. NAIA Terminal 1 – Eto death-defying talaga. ‘Yung mga stunts and pyramids, sadyang pababagsakin. Pagkabuo ng pyramid, kusang magpapatihulog ‘yung mga nasa taas. Ta’s ‘yung mga lumilipad, di sasaluhin. Sunud-sunod silang magbabagsakan sa sahig, ta’s dedma lang, parang walang nangyari. Wala ring hilot-hilot kapag nasaktan. No pain, no gain ang labanan. For sure, champion tayo d’yan sa difficulty level.

3. Bangsamoro Peace Process – ‘Yung routine na ‘to sagana sa pyramid. Kapag mabubuo na ‘yung pyramid, ‘yung ihahagis sa pinakatuktok e lilipad papunta sa ibang base para bumuo ng panibagong pyramid. Paulit-ulit ‘yon. Walang mabubuong pyramid; mambibitin lang nang mambibitin. Tingnan lang natin kung di kapusin ng hininga ‘yung judges sa tindi ng anticipation. Breathtaking performance talaga ‘to.

4. EDSA – Dapat mag-recruit ng contortionists ang UP sa theme na ‘to. Entrance nila rito buhul-buhol sila, saka isa-isang ihahagis para makalas. Kapag hinagis, nakabuhol din ‘yung katawan ng cheerdancer, parang pretzel. Ta’s ‘yung bagsak nila sa isang pyramid din na buhul-buhol. Pwede ‘tong i-integrate sa MRT theme.

5. Super typhoon – Nagliliparan lahat ng cheerdancer. Lahat flyer. Kahit ‘yung pyramid nililipad, umaangat sa sahig. Ganu’n katinde. Mula umpisa hanggang matapos, delubyo. Mapapa-juskopo ka nang di oras.

6. China Bullying – ‘Yung maliliit na cheerdancer ‘yung laging base. Sila lagi ‘yung nasa ilalim ng pyramid at ‘yung maghahagis sa malalaking flyer. Ang finale nitong pyramid, ‘yung isang pinakamaliit na cheerdancer lang ‘yung nasa base. Lahat buhat-buhat n’ya, so inverted pyramid talaga s’ya, ganyan. ‘Pag nagawa ng UP ‘to, hands down, panalo.

7.  Napoles – Bubuo ‘yung cheerdancers ng iba’t ibang foundation (ng pyramid) nang patago, ta’s saka nila pagpapasa-pasahan at ihahagis ‘yung flyer. At ‘pag sinabing iba-ibang foundation, sobrang wala talagang magkakamukha. Di mo iisiping me nangyayari na palang milagro, este, stunts. Magugulat ka na lang, boom, nangyari na.