Magaling umasa

by Sankage Steno

Medyo naiintindihan ko na kung bakit in-endorse ng mga kapatid ni PNoy si Jejomar Binay bilang kanilang presidential bet sa 2016. Siguro kasi, na-feel na nilang may balak pang tumakbo ‘yung kapatid nila ulit kaya inunahan na nila. Ayaw na nilang patakbuhin pa bilang pangulo si Noynoy kaya agad nilang pinahayag ‘yung suporta kay Binay, kahit pa hindi s’ya ‘yung best person para pamunuan ‘yung bansa.

‘Yung mga bali-balitang nagbabalak si PNoy na baguhin ‘yung konstitusyon para makatakbo s’ya ulit e sobrang disturbing. Balak n’yang sirain ‘yung legacy ng kanyang ina. Balak n’yang sirain ‘yung mismong dahilan kung ba’t s’ya naluklok bilang pangulo.

Well, di naman imposibleng mabago nga ni PNoy ‘yung konstitusyon. Marami s’yang kakampi sa Senado at sa Kongreso, so hindi malayong maisakatuparan n’ya ‘to. Marami ring pulitiko d’yang ang nangangarap na mapahaba ‘yung termino nila, so for sure, hindi konti ‘yung susuporta rito once magkaroon ng go signal galing sa pangulo.

Ngayon, kung mababago man ‘yung saligang batas natin at magkakaroon ng posibilidad na tumakbo ulit si Noynoy, well, di ko na s’ya iboboto.

I know marami s’yang mabuting nagawa sa bansa, at sobrang laki ng nabago sa Pilipinas after n’yang palitan si Arroyo. Alam ko rin na wala pang deserving na pumalit sa kanya. Wala rin kasi akong balak iboto si Binay o si Roxas. Napupusuan ko si Grace Poe, pero feeling ko hindi pa s’ya hinog sa posisyon. Wala pa rin naman s’yang napapatunayan, maliban sa pagsakay sa MRT at sa pagiging mahusay na pinuno ng MTRCB. As a senator, wala pa ‘kong alam na batas na naipasa n’ya. Although alam kong pabor s’ya sa FOI bill.

Given these things, ba’t di ko pa rin iboboto si PNoy kung sinuportahan ko naman s’ya noong 2010?

Well, unang-una, bawal nga sa saligang batas natin ‘yung tumakbo ulit ‘yung pangulo after n’yang matapos ‘yung term n’ya. Kung babaguhin ni PNoy ‘yun para makatakbo s’ya, anong pinagkaiba no’n sa pagdedeklara ng Martial Law para mapahaba ‘yung pamumuno sa bansa? Well, maraming difference, but essentially, pareho lang sila ni Marcos kung gano’n. Pareho nilang ginawang “legal” ‘yung pagpapahaba sa termino nila.

Pangawala, ga’no s’ya kasiguradong mananalo s’ya? At ga’no s’ya kasiguradong maipagpapatuloy n’ya ‘yung mga nasimulan n’ya? In other words, wala ba s’yang tiwala sa mga tatakbo next election? Sige, wala na kung wala, pero me dahilan kung bakit nilagyan ng limit ang term ng isang pangulo (o kahit na sinong pulitiko). Ke magaling ka o hindi, ke kurakot ka o malinis na pulitiko, dapat ka pa ring palitan. That’s the law.

Pangatlo, related sa pangalawa, naniniwala akong may deserving d’yan na taong papalit sa kanya. Just think of how he got to his place. Di ba kung di pa namatay si Cory, di s’ya magiging kandidato? So kung ‘yung maikling panahon na ‘yon e may lumitaw na “right” candidate, hindi malayong may lumitaw din na “better” alternative sa kanya pagdating ng 2016. Sabi nga sa Gilas, puso lang. Tiwala.

After ng pork barrel scam, feeling ko mas tumalino na ‘yung mga Pilipino sa pagpili ng mga kandidato. I mean, di pa rin matalino, pero may improvement naman. So sa mga tatakbo d’yang corrupt, mahihirapan na silang manalo. Ergo, baka mas madali nang manalo ‘yung mga hindi corrupt at competent na Pilipino.

Yes, umaasa ako. D’yan ako magaling e.