Ulan at Pag-ibig

by Sankage Steno

Ako na lang ‘yung nasa office. Taragis lang. Pero ayos lang, at least makakapagsulat ako nang tahimik habang umuulan sa labas. Ayoko pa rin namang umuwi dahil ang lakas pa ng buhos. Gumagwapo pa naman ako kapag nababasa. Sayang lang ‘yung kagwapuhan ko kung ala namang ibang makakakita.

Kaya, eto, nagmumuni-muni na lang ako rito sa opisina. Ta’s naisip ko, etong ulan, kung umasta, parang pag-ibig. Yikes. Kinikilabutan ako sa sinasabi ko. Di bagay sa ‘ken. Well, ganito talaga nagagawa ng pag-iisa at ng ulan sa isang tao. Buti nga di ko naisipang mag-suicide e. Sabi ko nga, sayang naman ‘yung kagwapuhan ko.

So ibabahagi ko na lang sa iyo ‘yung mga paghahambing na naisip ko ngayon.

1. Naisip ko, ‘yung ulan, minsan di mo alam kung kelan bubuhos. Magugulat ka na lang na and’yan na pala. Parang ‘yung pangatlong beses na na-in love ako sa school. Di ko naman s’ya ka-close. Di ko s’ya kakilala totally. Pero dumating na lang bigla at, boom, nahulog na ‘yung loob ko sa kanya.

2. May mga ulan naman na may kasamang hangin. ‘Yung sobrang bilis at lakas ng dating. Para ring ‘yung pang-apat na beses na “umibig” ako. Ambilis n’yang dumating sa ‘kin at sobrang lakas ng tama ko sa kanya. Pero kung anong ibinilis ng dating n’ya, ganu’n din kabilis naglaho. Ang laki pa ng pinsalang iniwan. Parang super typhoon lang.

3. Meron din namang ulan na pabugsu-bugso. Parang ‘yung unang beses na na-in love ako. Minsan gusto ko s’ya, minsan hindi. ‘Pag and’yan s’ya, parang wala lang, pero ‘pag wala na, biglang nami-miss ko. Ta’s nu’ng magkahiwalay kami, nalimutan ko rin, pero nu’ng nagkita ulit kami, parang meron pang natitirang damdamin ako para sa kanya.

4. May pag-ibig naman na ambon-ambon lang. ‘Yung hindi mo maibuhos nang todo dahil di ka pa handa o di mo alam kung s’ya na ba talaga. Parang ‘yung isa kong kaibigan. Di ko alam kung pagbibigyan ko na ba o hindi. Patak-patak lang ‘yung binigay ko noon, hanggang sa di na nagtuloy sa ulan. Ayun, umaraw na. Pero magkaibigan pa rin naman kami, sa tingin ko.

5. E kapag may kinakasal na tikbalang, ‘yung sabay na umaaraw at umuulan. Sa palagay ko ito ‘yung unrequited love. Nangyari na ‘to sa ‘kin sa parehong panig. May umibig sa ‘kin pero di ko minahal, at meron namang isang taong sobrang nahulog ako, pero di naman ako sinuklian. Quits lang. Dahil ginawa ko sa iba, ginawa rin sa ‘kin. Umaaraw, umuulan.

6. Meron ding ulan na walang tigil. Parang ‘yung pag-ibig na sobra-sobra, na lahat ibinibigay. Pero sabi nga nila, lahat ng sobra ay masama. Ang nangyari, sa sobrang ulan, bumaha. Nakakalunod na, nakakasakal. Possessive ba. Hindi rin nagtagal, tumila ‘yung ulan. Hindi ko pa nararanasan ‘to, pero sa pelikula at nobela, nakita ko na.

7. At, syempre, ‘yung ulan na sakto lang. ‘Yung hindi malakas at di rin naman ambon. May konting hangin pero hindi delubyo. Eto ‘yung ulan na kapag dumating, alam mong dapat kang lumusong at maligo. Para itong pag-ibig na hindi nakakalunod at hindi nakakasawa. Well, gaya nang nauna rito, hindi ko pa rin s’ya nararanasan (pero nakaligo na ‘ko sa ulan). Baka rin di ko na maranasan pa kahit kelan. Pero oras na matyempuhan ko ‘yung ulan na ‘to, walang duda, lulusong ako at magpapakabasa.

At ba’t nga ba ‘ko nagsusulat nang ganito?

A, ayun, ako na lang kasi ‘yung nasa opisina. Saglit, tumila na yata ‘yung ulan. Pwede na ‘kong umalis. Tatantanan ko na ‘yung pagiging cheesy at nakakakilabot talaga. Di bagay sa ‘ken. Mas okay pa kung tititigan mo na lang ‘tong gawa ni Leonid Afremov sa baba: