The Perfect Burger

by Sankage Steno

Naiihi na ‘ko pero mamaya ko na aalisan ng laman ‘yung pantog ko; blog muna. Kating-kati na kasi akong pag-usapan ‘yung kinain (at kakainin) kong burger.

Ganito kasi ‘yon. Kagabi, bago ako tumambay sa coffee shop para humanap ng love life, kumain muna ako sa Jollibee. Umorder ako ng spaghetti at Regular Yum. Da’t sana e ibibigay ko sa kapatid ko ‘yung burger. E nabitin ako sa spag, e di nilafang ko na rin ‘yung burger. Dinagdagan ko na lang ‘yung perang binigay ko sa kapatid ko (para di ako masyadong makonsensya).

Ta’s kanina namang lunch, nagkayayaan kaming magkaka-team na pag-usapan ‘yung boss namin behind his/her back. Ay puta, mali. Di pala ‘yon. Pakibura na lang ‘yung sinabi ko. Ay taragis, mali na naman. Ayoko na!

Ayun, basta nagpasya kaming ‘wag kumain sa canteen. Du’n kami tumuloy sa Burger King na malapit sa pinapasukan naming opisina. Dahil kakakain ko lang ng burger na may beef patty kagabi (at kakakain ko lang din ng Whopper nu’ng isang linggo, nu’ng kasagsagan ng bagyong Mario), nag-decide ako umorder na lang ng Chicken burger.

E ang masaklap pa neto, biglang nag-text ‘yung housemate kong graveyard shift ang trabaho. Wala raw silang pasok mamayang gabi, so ang yabang n’ya ngayong magyaya ng dinner. Alam mo kung ano gusto n’yang kainin?

BFF Bundle sa McDo.

So mamayang hapunan, burger na naman ang kakainin ko. Hindi ko alam kung mamamatay akong burger ang laman ng bituka ko o baka ikataba ko lang ‘tong ginagawa ko sa katawan ko. Sana none of the above.

Naisip ko tuloy, andami ko na palang nakaing burger. Impak, nakapag-blog na rin pala ako noon about Angel’s Hamburger. Noon namang nagtatrabaho pa ‘ko sa BGC, medyo madalas din kaming kumain sa Wham! Masarap din ‘yung burger nila du’n, in fairview. Ta’s syempre lagi rin akong kumakain noon sa Burger Machine at sa Bigmak Burger (Meron pa ba neto?). Ang tanga ko lang kasi di ko pa na-try ‘yung Chori Burger sa Boracay, samantalang nakailang punta na ‘ko roon.

Well, at least, di ako mauubusan ng dahilan para bumalik. (Shet, Boracay. I miss you.)

Ang matinding tanong ko ngayon sa aking mundane life e eto: Ano ba ang pinakamasarap na burger sa balat ng lupa?

Alam mo kase, mahal ko ‘yung Big Mac, ‘yung Champ, ‘yung Amazing Aloha at (fine) pati na rin ‘yung burger sa Wendy’s kahit pa laging malamig at sobrang layo sa picture sa poster ‘yung sine-serve nila sa ‘ken. Masarap silang lahat. Pero hindi ko ma-distinguish kung alin ang pinakagusto ko sa kanila. Di ko rin alam kung ano ‘yung standard na “BURGER.” Meron bang standard to begin with?

And don’t let me get started with Fried Chicken. Tengene. Nagugutom na ‘ko. Gusto ko ng burger. Sorry, sana di ka natakam sa mga pinost kong pictures. (Evil laugh)