Pangunang Lunas sa Katangahan

by Sankage Steno

Education is the answer.

Charot lang.

Marami kayang edukadong tao ang tanga pa rin at makitid ‘yung utak. May kilala rin naman akong out-of-school at hindi mga nakapag-aral pero malawak ang pang-unawa at “matalino” in the purest sense of the word. Ergo, hindi edukasyon ang lunas, pero mahalaga pa rin ‘yon, syempre. Kung walang edukasyon, wala akong trabaho. Sino tuturuan ko?

Naalala ko lang kasi bigla ‘yung inatenan kong retreat seven years ago. Sa Bulacan ‘yon at sponsored ng dati kong inaanibang religious org (Oo, relihiyoso pa ‘ko noon. Ngayon, proud atheist na ‘ko.). May isang tagpo sa tatlong araw na pagdurusang ‘yon ang di ko malilimutan. Tagpo ‘yon sa pagitan ng isang babaeng religious speaker (RS) at ng isang lalaking out-of-school youth (OoSY).

Hindi na ‘to eksakto, ha, pero ganito ‘yung naging takbo ng kanilang palitan:

RS: Isang malaking kasalanan sa Diyos ang pagiging bakla.

OoSY: Pa’no naman naging kasalanan ‘yon?

RS: Dalawa lamang ang nilikha ng Ama, babae at lalake.

OoSY: E pa’no ‘yung mga pinanganak na talagang gano’n? Di naman napipili ‘yon.

Eto ‘yung mga naramdaman ko ng mga sandaling ‘yon. Hiyang-hiya ako sa sarili ko kasi dinaig pa ‘ko ng lalaking ‘to na mas bata sa ‘kin (yata) at di naman nakapag-aral sa magandang paaralan. Ako na UP student e tahimik lamang noon at hinahayaang kumuda nang kumuda ‘yung babaeng speaker.

Sobrang proud naman ako ke kuyang OoSY. Hindi ko talaga inakalang me isa sa mga batang andu’n ang susupalpal sa mga pinagsasasabi ng speaker. Naisip ko, me mga bagay talaga na di lang sa school natututunan, at me mga bagay din na natututunan mo sa school pero mali pala.

Naaawa naman ako ke RS (at medyo inis na rin). Di ko sya masisi kung na-brainwash s’ya ng mga pari at madre o sino mang religious mentors n’ya na na-brainwash din ng mga nauna sa kanila (and so on). Di naman n’ya kasalanang ganu’n ‘yung paniniwala n’ya. I’m pretty sure, growing up, ‘yun ang isinuksok sa kokote n’ya.

Nakakalungkot lang din na di ko matandaan ‘yung pangalan ni OoSY. Di ko rin alam kung ano nangyari sa kanya after ng retreat na ‘yon. I just wish na may maganda s’yang buhay ngayon. Mature s’yang mag-isip, di tulad ng mundong ito na napakarami pang dapat matutunan. Napakarami pa ring tanga sa nag-iisang planeta natin. And I hate to admit it pero kasama ako du’n.

And I guess ito talaga ‘yung lunas sa katangahan e. Dapat kase, malaman muna natin sa sarili nating tanga tayo. ‘Yun ang simula. Kapag nalaman na nating may katangahan tayo, dapat matutunan naman nating tanggapin ‘yon. Hangga’t di kasi natin natatanggap sa sarili nating hindi tayo ganu’n kadunong at katalino, na hindi naman talaga bukas lagi ‘yung isip natin sa mga bagay-bagay, hindi rin maaalis ‘yung ating katangahan.

And that, my friend, is your first aid to idiocy.