Puro puso, laging talo

by Sankage Steno

Sumakay ako ng bus nu’ng Sabado pauwi sa ‘min sa probinsya na 16 points ang lamang ng Gilas Pilipinas sa South Korea. Nakatulog ako sa byahe pagdating sa NLEX. Nu’ng magising ako, lima na lang ‘yung lamang. Idlip ulit. Paggising ko na naman, isa na lang ‘yung lamang natin. At pagbaba ko ng bus, pagdating ko sa bahay, ayun, talo.

Napakahusay.

Alam mo, nakakasawa na ‘yung mga heartbreaking losses na ‘to simula pa lang nu’ng Fiba Cup. Kung mahina-hina lang ‘yung puso ko, baka tigok na ‘ko ngayon. Buti na lang nahasa na sa dami ng heartbreaks ko sa buhay. #Hugot

Sabi nga ng prof ko noon sa UP, it takes a team to win [this] game, so it also takes a team to lose it. Gusto kong sisihin si Coach Chot o si Douthit o kung sino mang player d’yan (except Alapag—so much feels), pero what’s the use, di ba? Talo na e. Wala nang magagawa kung magsisisihan pa. Pwede murahin ko na lang sila? Bibihira na nga lang ako manood ng basketball, ta’s puro talo pa mapapanood ko? Tangina.

It hurts, you know.

Siguro naman alam na natin ngayon na hindi lang puso ang kailangan para manalo sa basketball. Idadagdag ko na rin: Hindi lang skill at talent ang kailangan para matalo natin ‘yung ibang bansa sa palakasang ito. Bukod sa puso at sa skill/talent, may isang bagay na napakahalaga sa larong ito: HEIGHT.

E wala naman tayong gano’ng advantage. Genetically, talo na tayo. Mananalo lang tayo sa ganyan kung ina-naturalize natin lahat ng matatangkad na “Pilipino” na galing sa ibang bansa. Puro import lang, ganyan, na pagdududahan mo na kung Pilipinas pa ba ‘yung koponan nila o, ewan, lokohan na lang. Makakuha lang ng matatangkad na player, by all means, sige, go lang nang go!

Loser.

Well, wala rin naman akong magagawa dahil mahal ng mga Pilipino ang basketball. Ganu’n naman talaga ‘pag mahal mo, di ba? Kahit anong hirap, kahit suntok sa buwan, kahit alam mong wala namang tsansang manalo, itutuloy mo pa rin ang laban. At kahit talo ka na, iisipin mong may chance ka pa rin ga’no man kaliit. Ganyang-ganyan ‘yung relasyon nating mga Pilipino sa basketball. Ang sarap na tuloy ninyong sipain nang padakot.

Pero, sige, push lang. Ituloy pa rin natin ang pagbabasketball. Di na mawawala ‘yan sa dugo natin e. Pero pasensyahan na lang din. Unrequited ang pag-ibig natin sa basketball. Paaasahin tayo minsan, pero sa huli, bigo pa rin. Pero, sige, push lang. Ituloy pa rin natin ang pagbabasketball. (Shet, inulit ko lang.)