Buhos

by Sankage Steno

Anong oras na naman kaya ako makakauwi ngayon? Kumukulog na naman at any-any bubuhos na ‘yung malakas na ulan. Parang kagabi lang, lubog ‘yung mga kalsada kaya di makadaan ‘yung mga sasakyan. Ending: Superdupermegaultrahypertrafficgalore.

Totoong word ‘yan. Kakalagay lang sa SS Dictionary.

Ayoko namang maglakad pauwi dahil mababasa ‘yung bago kong sapatos. Ta’s papasukin ng tubig ‘yung medyas ko. Tapos tuwing hahakbang ako, me squeaky sound. Kadiri. Mas malala pa rito, magkaka-leptospirosis ako. Ta’s maoospital ako. E wala akong pambayad, so pababayaan ako ng mga doktor du’n. Ta’s mamamatay ako. Ala nang magsusulat sa blog na ‘to. How sad for me.

Kung pipila naman ako sa MRT, aabutin ako ng siyam-siyam. Pasakit ‘yung kilometrong pila papasok pa lang sa platform. Buti me stored value card na ‘ko. Kung makarating naman ako sa platform, di rin ako agad makakasakay. Kailangan ko pang makipagbalyahan sa mga andu’n. Ta’s me makakaaway ako. Ta’s magkakatulakan kami. Ta’s mahuhulog kami pareho sa riles. Saktong may paparating na tren. Magkakalasug-lasog ako. Ampangit kong mamamatay.

Scary.

Sa bus naman, ganu’n din, sobrang tagal kong maghihintay sa loob. Swerte kung makakaupo ako. Malamang nakatayo ako sa gitna sa loob ng ilang oras. Kamalas-malasan pa nito, me isang gang ng mga magnanakaw sa loob. Makukuha ‘yung cellphone ko at wallet. Okay lang, ‘wag lang akong masaktan E ang mangyayari, me isang pasaherong manlalaban. So magpapaputok ng baril ‘yung isang magnanakaw. Sa ‘kin tatama ‘yung bala. Dedbol ako. Isang bala lang katapat ko.

Tengenengeneng.

Wala na bang ligtas na paraan para makauwi ako sa ‘min? Araw-araw na lang ba ‘kong kakabahan sa kaligtasan ko? Araw-araw ko na lang bang iisipin kung makakauwi pa ‘ko nang buhay? Pa’no kung mapatay nga ako sa pag-uwi ko? Pa’no na ‘yung mga nagpapantasya sa ‘kin? Pa’no na ‘yung pangarap kong makaanuhan si ano, saka si ano at ano nang sabay? Di ko matatanggap ‘to. Hinde!