Malapit ka nang mamatay

by Sankage Steno

May nabasa akong study tungkol sa pang-amoy nating mga tao. Sabi du’n sa pagsisiyasat, kapag daw nawawala o humihina na ‘yung pang-amoy ng tao, mataas ‘yung probability na malapit na s’yang mamatay. Baka raw kasi may mali na sa katawan natin. Di pa ganu’n kalalim ‘yung pag-aaral pero magandang simula ‘yon para magamit ‘yung pang-amoy sa pag-alam kung anong mali sa katawan natin.

Buti na lang at naamoy ko pa ‘yung tae ko kanina. Inis na inis pa naman ako kasi dito pa sa office humilab ‘yung tiyan ko. Samantalang kanina, bago ako maligo sa bahay, ayaw lumabas. Tangina lang. Ngayon medyo maluwag na sa kalooban kong tanggapin na mabaho ‘yung tae ko. I mean, may mabango bang tae?

Kung di ko naamoy ‘yung baho n’ya, most likely may mali na sa katawan ko. Most likely less than five years na lang ang itatagal ng buhay ko. ‘Yun e kung sa natural death ako mamamatay. Pero ‘wag naman sana akong mamatay sa ibang paraan. Masakit. Di ko kaya.

As if me choice ako.

Kaya simula ngayon, papakiramdaman ko na lagi ‘yung pang-amoy ko. Maliban na lang kung me sipon ako at wala talagang pang-amoy, babantayan ko na talaga kung gumagana pa ‘yung ilong ko. Ayoko pa kasing mamatay. Marami pa ‘kong gustong gawin na hindi ko pa alam kung ano. Basta! E ano kung di ko pa alam ‘yung gusto kong gawin sa buhay? Basta malinaw sa ‘kin na gusto ko pang mabuhay.

Ang ikinakaba ko lang, me kilala akong isang taong malapit sa ‘kin na alam kong humina na ‘yung pang-amoy. Di ko syempre sasabihin kung sino, pero mahalaga s’ya talaga sa buhay ko. Kapag nawala s’ya, ay jusmiyo, di ko alam kung pa’nong hagulgol ang gagawin ko.

So kung tama ‘yung study na nabasa ko, ibig sabihin, less than five years ko na lang makakasama ‘yung taong tinutukoy ko. Ibig sabihin, malapit na ‘yon. Dapat ko nang dalhin s’ya sa mga gusto n’yang lugar na pasyalan. Dadalhin ko s’ya sa Baguio, sa Boracay, sa Bohol at sa Batanes kung me pera pa ‘ko. Di ko mapapatawad ‘yung sarili ko kapag di ko s’ya napasaya nang husto bago s’ya mawala.

I know ang morbid kong mag-isip, pero mabuti na ‘yung masulit ko ‘yung bawat sandali kesa naman it’s too late. Sabi nga sa kanta ni Kris Allen at ng The Script, “live like we’re dying.” #YOLO