Libangan sa Pila

by Sankage Steno

Dahil araw-araw e nauubos ‘yung ilang oras ko sa pagpila sa MRT, nakabuo na ‘ko ng iba’t ibang libangan para aliwin ‘yung sarili habang naghihintay at para naman maging productive pa rin ako kahit papa’no.

At dahil mabait ako, ishe-share ko sa ‘yo ‘yung ilang libangang ginagawa ko kapag naiipit sa pila sa MRT, sa mga ahensya ng gobyerno, sa enrolment sa school o kahit sa’n pa mang pila meron d’yan. Uunahin ko ‘yung mga wholesome, ta’s medyo paharot nang paharot habang natatapos ‘tong blog ko.

Here we go…

1. Listen to music – Syempre marami nang may smartphone ngayon so madali nang makinig ng music kahit saan, kahit kelan. Kung sawa ka na sa playlist mo, try mo ‘yung mga app na random ‘yung pinapatugtog. Kung ayaw mo no’n, makinig ka na lang ng radyo.

2. Read a book – Palagi akong me dalang libro sa bag ko para kung maipit man ako sa trapik o sa isang awkward na sitwasyon, meron ako laging escape. Be sure lang na hindi dictionary ‘yung dala mo. Make it a good book naman. Tanga lang? Magdadala ng reference book sa bag? Pwera na lang kung nag-aaral ka ng bagong wika. ‘Yun mapapalampas ko pa.

3. Play casual games – Grabe, sobrang dali na ngayong maglaro ng computer games. Di tulad noon na kailangan mo pa ng game console. Ngayon mobile na s’ya at portable. Ang masaya pa nito ‘pag naglalaro ka, me mga nakikitingin. Feeling star ka kasi pinapanood kang magpipindot.

4. Watch a movie/show – Parang games lang din, pwede na s’ya kahit sa’n dahil high-tech na mga gadget ngayon. Ang masaya nito e kapag horror o suspense ‘yung pinapanood mo. Minsan nanood ako ng The Walking Dead sa laptop ko habang nasa bus. Nakinood ‘yung katabi kong di ko kilala. E biglang me lumabas na zombie. Nagulat s’ya. Ta’s kunwari dedma s’ya. Natawa lang ako. Ayan, sige, makinood pa.

5. Maging fashion critic – Tignan mo ‘yung damit ng mga nasa paligid, ta’s pintasan mo sa utak mo. O kaya e humanap ka ng maganda, ‘yung pwede mong gawing peg. Ako mahilig akong tumingin sa sapatos. Di naman kasi Tokyo o Paris o New York ‘yung Maynila na high fashion ‘yung mga tao. Mas masayang mamintas dito sa ‘tin kesa humanap ng peg.

6. Humanap ng crush – Syempre maraming tao sa paligid, maraming isdang mabibingwit. Chance na ‘yon para humanap ng eye candy. Naman! Andami kaya d’yan, iba-ibang species. Marami nga lang ding mukang hito at bisugo. ‘Pero, don’t worry, di pa naman nagkukulang ng supply ng mga malalaman at masasarap. Talasan mo lang ‘yung mga mata mo.

7. Makipagtitigan/Makipagngitian – E kung me nakita ka nang crushable at malapit lang sa ‘yo (ta’s wala ka namang commitment), e di makipagtitigan ka na. At kung malakas-lakas pa loob mo, konting push pa at makipagngitian ka na rin. Malay mo type ka rin n’ya. E di magpalitan na rin kayo ng number o Facebook name. To be honest, hirap akong gawin ‘to, but I’m trying so hard, dammit!

8. Makipagkwentuhan sa di kakilala – Alam kong di uso ‘yung small talk sa kultura natin, pero kapag me nangyayaring kakaiba (madalas aksidente), lahat may opinyon, lahat may masasabi. Humanap ka na lang ng pwedeng pag-usapan. Basta ‘wag lang creepy. Ako kapag me nakikipag-usap na stranger, sinasagot ko kahit di ko type. Courtesy lang ba. Kahit ngiti. Ala namang masama. E pa’no kung cute pa s’ya? Alam na this!

9. Makipaggitgitan – Eto ‘yung legit na grinding. Syempre, pila. Tulakan at gitgitan talaga. Itodo mo na. Kung type mo naman ‘yung kagitgitan mo, magpadala ka na sa agos. Even better, ikaw na gumawa ng agos. Itulak mo na ‘yung sarili mo sa kanya, sabay sabing “Araaayyy!” ‘Yung me landi dapat. Ta’s mapapakapit ka pa sa balikat n’ya o sa braso. Winner!

10. Pagpantasyahan ‘yung katabi – E di ba nga parang sardinas sa MRT? Di mahulugan ng karayom. Humanap ka ng taong willing kang makipagsiksikan at makakiskisan ng balat na may pawis. At dahil pawis na rin naman kayo pareho, paganahin mo na ‘yung imagination mo. Sa utak mo lang naman. Tantsahin mo lang ‘yung manoy mo at baka tumigas. Nakakahiya. Or maybe not. Push mo na!