Makikita mong hinayupak ka

by Sankage Steno

Di malayong madaig ko pa si Ted Mosby sa tagal ng paghihintay sa The One, pero ayoko namang mangyari ‘yun sa ‘kin. Sana naman mas maaga para mas mahaba-haba ‘yung panahong pagsasamahan namin sa mundong ‘to. Ang ikli pa naman ng buhay ng tao. Ta’s feeling ko pa di na ‘ko aabot ng senior years ko.

So just imagine: Kung makikita ko na ‘yung The One ngayong taon na ‘to at magiging kami, sa edad kong ‘to, kung aabot man kami ng retirement age, that’s roughly 40 years lang. Maikli lang ‘yung panahon na ‘yon. Given na aabot kami n’yan sa retirement age ha. E pa’no kung di kami umabot pareho sa kwarenta gaya ng papa ko? E di ‘yung pagsasamahan naming taon e isang dosena na lang halos.

Damn.

Di yata ako makakapayag na ganu’ng kaikling taon lang kaming magmamahalan. I know what you’re thinking. Sasabihin mo sa ‘kin na wala ‘yan sa quantity kundi nasa quality. You have a point. Pero! What if you can have both quantity AND quality? Pa’no kung magsasama na nga kami nang matagal, ta’s sobrang nagmamahalan pa rin? ‘Yung tipong we still fall in love with each other over and over again.

Posible naman ‘yon, di ba? Ba’t di pwedeng mangyari sa ‘ken ‘yon?

This is just thinking out loud. Nakikinig kasi ako ng kanta ni Ed Sheeran nang paulit-ulit. Leche. Andaling maimpluwensyahan ng utak ko, lalo na kung idle o bored. Anyway, mukang me konting dulot naman s’ya kaya okay lang.

Mataas pa rin ‘yung hope kong paparating na s’ya. Ayokong maniwalang and’yan lang s’ya all along at hindi ko lang pala napapansin. I mean, that’s fine. Tatanggapin ko. Pero kung gano’n lang din, ba’t di ko pa noon nakita? Antanga ko lang. Ayoko pa namang nagmumukang tanga lalo’t wala akong consent. Kung me consent ko, okay lang magpakatanga. Pero, well, some things I just can’t control.

Kaya ‘pag nakita na kita (o nakita ulit), di na kita pakakawalang gago ka. Antagal mo ‘kong pinaghintay. Feeling mo hahayaan pa kitang makawala? Tangina. Ang hirap kayang umasa at maghintay ta’s di ka naman sure kung me darating nga. Makita lang talaga kitang hinayupak ka, makikita mo. Patutunayan kong me mas perfect pa sa perfect. At me mas hahaba pa sa forever. Lintik ka.