Kalatas ng Kage

by Sankage Steno

Dahil lumabas na ang huling manga ng Naruto, ito na rin ang huli kong sulat dito sa Sankage Steno.

Maraming salamat sa pagbabasa ng mga inilathala ko rito sa loob ng mahigit sa dalawang taon—limang taon kung isasama mo ‘yung mga naisulat ko noong nasa Multiply pa ‘tong blog ko. Hindi mo alam kung ga’no mo ‘ko pinasaya, ininis, pinaasa, ginalit at pinaibig nang paulit-ulit. Dahil d’yan, nagkaroon ako ng ibang buhay maliban sa totoo kong buhay. Napakalaking bagay no’n para sa ‘kin.

Kung nalulungkot ka sa balitang ‘to, ‘wag kang mag-alala, the feeling is mutual. Pero ‘wag kang mabahala masyado, hindi ko naman buburahin sa Internet ‘tong blog ko. Mananatili pa rin ‘to rito hanggat may online world (at may Internet connection ka). Pwedeng-pwede mo pa ring balikan ‘yung mga naisulat ko noon. Pwede ka pa ring mag-comment. Malay mo, sumagot pa ‘ko.

Gusto ko lang liwanagin ang isang bagay: Titigil na ako sa pagsusulat sa Sankage Steno, pero hindi ako titigil sa pagsusulat mismo.

Syempre, buhay ko ang pagsusulat, kaya magsusulat at magsusulat pa rin ako. ‘Yun nga lang, hindi na sa blog na ‘to. Baka sa personal journal ko na lang o kaya sa panibagong blog o kaya sa hanginย o kaya sa pader sa gilid ng EDSA. Ewan. Di pa ganap ‘yung plano ko. Ang sigurado lang ako ay eto: Hindi nga ako titigil sa pagsusulat, ang kulet!

Hanggang dito na lang. Muli, maraming salamat.

At paalam.