13 Tula sa Kapihan

by Sankage Steno

Naikwento ko kahapon na nagsusulat ako ng tula sa tissue du’n sa tinatambayan kong coffee shop, ta’s iniiwan ko para ialay secretly du’n sa crush ko. Nabasa naman nila, kaso olats pa rin. Anyway, bago ko pa s’ya maibaon sa limot o mabura sa aking smartphone, iiimbak ko na s’ya dito sa blog ko for posterity. Sayang naman e, pinagpaguran ko rin ‘yon.

Ang nakakainis lang sa mga tula, pwede mo namang sabihin nang diretso, aartehan pa. E maarte ako.

Eto na:

Kapag aking nasasalo
ang mga sulyap mo
aking pagkahapo
ay biglang naglalaho;
parang kapeng barako
na tubong Batangueno,
sa langhap kong halo
umaga ang pangako.

Kung makakapagsalita lamang ang aking mga titig
sasabihin nitong, “Lumapit ka at humimlay sa aking bisig.”
Pupupugin kita ng halik sa lahat ng dakong ibig;
hinding-hindi ako titigil hanggat di napatitindig
ang iyong kamalayan sa init niyaring pagniniig,
sapagkat hangad kong ikaw ay tuluyang makabig
sa kaibuturan ng aking mapagpalayang banig.

—Tayong dalawa ay maging isa kahit sa titig man lamang.

Gusto kitang makilala
mula ulo hanggang paa,
mabatid iyong hiwaga
at ningas ng kaluluwa.

Maging pastol ang kapara
sa kanyang alagang tupa,
o tulad ng isang ina
sa lahat ng anak niya.

Gusto kitang makilala
nang higit sa nakikita,
pagbigyan mo naman sana
di lang aking mga mata.

Ang lalim ng iniisip
hindi mo mawari;
diwang naninikip
laman ay sarisari.
Kung iyong masisilip
at bibigyang suri
wala itong kalakip
butil man ng pagkamuhi.
Pag-ibig lamang ang kipkip
at ikaw ang naghahari.

Laging nakatulala
kausap ang kawalan;
ano bang napapala
mo sa ganyang libangan?

Sa isip ay may hula
akong iniingatan
at sa aking hinala
ay may katotohanan.

Ikaw’y nangungulila,
lihim na nasasaktan,
parang nagpapatila
ng malakas na ulan.

Ayaw ipahalata
ang pinagdaraanan
kahit nababahala
ang iyong kalooban.

Huwag ka nang mahiya
at ako’y lapitan;
lahat tayo’y mahina
‘pag puso ang labanan.

Nasanay na ‘ko sa iyong mukha,
bagay na hindi ko inakala;
naramdaman nang walang babala
tila lindol noon sa hilaga.

Kahit ano pang pagkakaila
sa damdamin ko ay ipansala,
di magbabago, di mawawala
ang iniwan mong pinsala.

Haliparot siya kung manuya,
barumbado sa tigas ng hiya;
di matinag kahit anong banta,
kung makakapit mistulang linta.

Ganyan ang aking pangungulila
‘pag di ka nakakasalamuha;
wala naman akong magagawa
nasanay na ‘ko sa iyong mukha.

Ikaw ba’y may alinlangan
kung kanino patungkol ‘to;
kinikimkim na lamang
gulo at pagkalito
sapagkat wala kang tapang
na malaman ang totoo?

Pwes! ako na ang hahakbang
patungo sa iyong mundo;
kahit pa maubusan
ng imbak na petrolyo
aking ipagpipilitan
ang laan para sa iyo.

At kung magkakabistuhan
lalo ko pang itotodo;
awitan ka ng kantang
pang-Sarah Geronimo:
“Gagawin ko lahat upang
sa huli, sa huli’y tayo.”

Hinihintay ko ang ‘yong pagdating
sabik na kita ay makapiling,
tulala at kausap ang dingding,
pag-iisang lalong umiigting.

Kailan, kailan ka darating
sa buhay kong nilisan ng sining?
Datirati ay ubod ng ningning
ngayo’y walang kulay ni katiting.

Sinta ko, kung iyong mararating
ang itinakdang tagpuan, aking
patutunayan sa  ‘yong magiging
tayo sa ‘pag-ibig’ yaong gitling.

Kapag, sa wakas, ikaw’y dumating
agad iaalay itong singsing;
taos-puso kong dinadalanging
habambuhay kitang makapiling.

Kailangan kita sa buhay ko
hininga sa mortal na katawan
liwanag sa taglay na anino
haligi ng binuong tahanan.

Sa buhay ko’y kailangan kita
umaga sa mahahabang gabi
indayog ng bawat melodiya
kapatawaran sa pagsisisi.

Kita ay kailangan sa buhay
tag-ulan sa tumigang na lupa
pagdating sa matagal na hintay
laman ng malalalim na diwa.

Pagbibigyan ba aking damdamin?
Ako ba ay kailangan mo rin?

Hitit-buga sa hawak na sigarilyo
sa dalang panganib ay patay-malisya;
dinamay ang sanlaksang kung sinu-sino
upang matunghayan hanap na pahinga.

Sunog-baga man sa siksik na tabako
hatid nama’y tila lipad ng agila;
doon sa malalayo dadalhin ako
doon sa kung saan limot ang problema.

Sige-sigeng husgahan ang pagkatao
sa papel at apoy ako’y ipininta
ngunit sa gitna ng puting usok nito
ikaw, sinta ko, ay aking nakilala.

Malamig ang simoy ng hangin
sinlamig ng damdamin mo sa akin.
Bawat sandali ay naging pasanin
sa nawalang pagtitinginan natin.
Para akong nananalamin
sa kadilimang sumaatin.
Kung kani-kanino dumadalangin
ako sana ay bigyang pansin.
Ano bang dapat kong gawin
upang ikaw ay muling maangkin?
Kung ako ay tuluyang lilisanin
di ko kakayanin, di ko kakayanin.

Paliligayahin kita
pangako ko sa ‘yo, sinta;
ikaw ay makakaasa
sa gabi man o umaga.

Susundin lahat ng nasa
kahit anong nadarama;
sasaluhin kahit bala,
ako ang iyong panangga.

Palagi kang iuuna
higit pa sa ama’t ina;
di ka na mag-aalala,
matatakot, mangangamba.

Kaya alisin ang kaba,
kalimutan ang problema,
lisanin ang pag-iisa
at sa akin ay sumama.

Ngayong araw ng Pasko
mundo ko ay nagbago;
nang dahil sa handog mo
napaligaya ako.

Jpeg