Chance encounter with Tadhana

by Sankage Steno

Nasa veranda ako ng bahay namin, nagbabasa ng The Catcher in the Rye at nagpapahangin kanina. Ang ganda kasi ng araw ngayon, mas maganda kesa kahapon. Da’t talaga ngayon ‘yung New Year e. E kaso di naman nakikiuso sa ‘ting mga tao si Mother Nature.

Nasa kasarapan ako ng pagbabasa nang biglang sumulpot sa gilid ko si Tadhana. First time ko s’yang nakita sa buhay ko pero nakilala ko agad ang hinayupak. Nakangiti s’ya nu’ng sumulpot bigla. Di ako natuwa. Lalo akong nainis. Hinablot ko s’ya sa leeg at nginudngud ‘yung pagmumukha n’ya du’n sa rehas na bakal na nakakabit du’n sa veranda.

“Putanginamo! Putanginamo!” sunud-sunod ‘yung malulutong kong mura.

Nakangiti pa rin s’ya. Lalo tuloy umakyat ‘yung dugo sa ulo ko. Lalo ko rin nilakasan ‘yung pagbangas sa mukha n’ya du’n sa rehas na pumipigil sa ‘kin para lundagin s’ya at mahulog mula sa taas ng bahay namin. Gagawin ko talaga ‘yon kahit masaktan ako para lang makaganti sa katarantaduhang pinaggagawa n’ya sa ‘kin lately.

“Magpapakita ka kung kelan tapos na?” Rhetorical question ko. “Tanginamo!”

Ngiti lang ulit ‘yung sagot ni Tadhana.

Ang hirap kasi sa taong ‘to, ‘pag di mo kailangan, saka susulpot. Ta’s kung kelan kailangang-kailangan mo s’ya, ‘yung mga panahong napaka-positive mo at handa kang isugal ang lahat, saka naman s’ya di mahagilap. Potarages talagang nilalang ‘to. Buti pa ‘yung utot, at least medyo nakokontrol mo pa. Sana naging utot na lang s’ya.

Dinalawa ko na ‘yung kamay na humahablot sa kanyang leeg, pero nu’ng hatakin ko s’ya papunta sa rehas para basagin ‘yung kanyang mukha, bigla s’yang nawala. Nag-alsabalutang parang bula. Na-outbalance tuloy ako. Parang recoil lang sa pinaputok na baril. Pero di naman ako bumagsak sa sahig or anything. May sumalo kasi sa likod ko… si Tadhana.

Nakangiti pa rin ang mokong.

“Nang-aasar ka ba?” sabi ko. Medyo malumanay na ‘ko ngayon. Medyo napahiya rin ako sa sarili ko. Well, who could blame me? Antagal-tagal ko nang naghihintay. Magtatatlong dekada na, ta’s olats pa rin? Tangina naman talaga ‘yun. Kahit sino masasapak ko na talaga.

“Ano ‘yang binabasa mo?” tanong ni Tadhana. Nakakainis. Di sinagot ‘yung tanong ko. Pang-asar talaga ‘tong gagong ‘to.

Para Kay B,” sabi ko kahit di naman talaga ‘yon ‘yung binabasa ko. Nabasa ko na ‘yung novel na ‘yun ni Ricky Lee a few years back. Sinabi ko lang s’ya para asarin ‘yung kausap ko. Saka anlaki-laki kaya ng title dun sa librong binabasa ko. Kahit di mo na itanong, malalaman mo ‘yung pamagat ng librong hawak ko. Talk about ice breakers. Bwiset.

“A ok,” sabi n’ya. “Maganda ‘yan. Very realistic.”

“Realistic mong mukha mo!” Sinasadya kong maging childish, maging immature. Kapag kasi si Tadhana ang kasama mo, lahat ng bagay nawawalan ng sense. Kahit ikaw ang pinakamatalinong tao sa mundo, imposibleng di ka tablan ng kamandag nitong si Tadhana. Basta wala s’ya sa realm ng logic at reason. May sarili s’yang dimension.

Natahimik kami pareho. Siguro may dumaang anghel at di ko na naman napansin. Taragis lang. Ang dami kong nami-miss sa buhay. Para sa’n pa’t nabuhay ako kung di ko naman mae-experience lahat ng bagay sa mundo? Kahit man lang sana ‘yung mga bagay na gusto kong ma-experience?

Bokot.

Naupo ulit ako sa gilid ng veranda at dinampot ‘yung librong binabasa ko kanina. Sinubukan kong ipagpatuloy ‘yung naudlot kong pagbabasa. Hinayaan ko lang si Tadhanang magmukhang tanga du’n sa gilid ko. Tutal naman ilang beses na n’ya ‘kong pinagmukhang tanga, ganti-ganti lang din ‘pag may time. Nasabi at nagawa ko na rin naman ‘yung gusto kong sabihin at gawin sa kanya. Namura ko na s’ya at nabangas ang mukha. I’m quite satisfied, thank you very much.

“Aalis na ‘ko,” putol ni Tadhana sa katahimikan.

Dinedma ko lang s’ya.

“Wala ka bang sasabihin bago man lang ako umalis?”

Ngumiti lang ako, pero hindi sa kanya. Du’n sa librong hawak ko. Kunwari du’n ako natutuwa. Ang totoo, gusto ko lang s’yang inisin. Ngiting-aso ba.

“Alam mo, di mo ‘ko maiinis sa ginagawa mong ‘yan.”

Alam ko naman ‘yon. Pero anong masama kung gawin ko pa rin? Kung s’ya nga ginagawa n’ya ‘yung maibigan n’ya e, ba’t ako hinde? To each his/her own. Whatever floats your boat. Etc. Etc.

“Babay!”

Tuluyan nang naglaho si Tadhana. Di naman ako nalungkot. Sa katunayan, parang sumaya pa ‘ko. Ewan. Baka dala ng sikat ng araw o ng malamig na ihip ng hangin. Basta alam kong nahaluan ng konting pag-asa ‘yung galit, inis at panghihinayang ko. Not bad.

Ikaw ba naman ang ngitian ni Tadhana.

Jpeg