Veranda blues with Satanas

by Sankage Steno

Nagbabasa at nagpapahangin ulit ako kanina sa may veranda nang may umepal na naman sa payapang batisan ko. Kung kahapon e si Tadhana ‘yung lumitaw at nakipag-usap sa ‘kin, ngayon isang anghel naman. Well, technically, di na s’ya anghel, but I still want to consider him/her as one dahil ‘yun naman talaga s’ya by nature.

Malamig kanina e, kaso biglang uminit. Di naman apoy na init. ‘Yung alam mong malamig lang ‘yung hangin ta’s biglang nawala ‘yung pag-ihip n’ya. Then, pagtingin ko sa paligid, lahat nakahinto. Di na gumagalaw ‘yung mga sanga at dahon ng puno sa harap ng bahay namin. Kahit ‘yung mga ibon, nakahinto lang in midair. Ang gara, pramis.

Saka biglang lumabas mula sa kawalan si Satanas.

Sankage: Ba’t ba tuwing nagbabasa’t nagpapahinga ako sa veranda, laging me umeepal?

Satanas: Ba’t ba napaka-moody mo? Para kang matandang dalagang di pa nakakatikim kahit once.

Sankage: Tangina mo!

Satanas: Tangina mo rin!

Sankage: Pinakatangina ka sa lahat ng tangina sa tanginang universe na ‘to.

Satanas: Ang sarap magmura ‘no?

Sankage: True. Nakakagaan ng pakiramdam. Buti napadaan ka. Nagkaroon tuloy ako ng mamumura. Next time dalasan mo ha? Ikaw lang kasi ‘yung namumura ko nang kahit ilang beses pero lalo pang natutuwa. Adik ka rin e.

Hindi sumagot si Satanas. Nagpalutang-lutang lang s’ya sa ere. Nagkaroon ako ng pagkakataong titigan s’ya nang mabuti. In fairness, maganda talaga s’ya. Or gwapo. Depende kung anong gender ang gusto mong ibigay sa anghel na ‘to, kahit ala naman talaga silang kasarian.

Ang totoo pa n’yan, understatement ‘yung pagsasabi ko ng maganda s’ya. Kakaiba ‘yung dating n’ya e, hindi makatao. May natitira pa rin naman s’yang ningning. Pero just imagine kung before the Fall ko s’ya nakita, di ba? In his/her old glory, baka masilaw ako sa kinang n’ya at baka di ko kayanin ‘yung ganda n’ya. Just imagine.

Satanas: Tama na kakatitig, baka matunaw ako.

Sankage: Gago. Iniisip ko lang kung ga’no ka kaganda noon, nu’ng di ka pa pinapatapon ng diyos sa impyerno. For sure, lahat ng anghel super inggit sa ‘yo.

Satanas: Hindi naman talaga kami naiinggit na mga anghel, pero, kung magiging tao kami, oo, tama ka. Siguradong kaiinggitan ako ng lahat.

Sandaling nabakante ‘yung usapan namin. Ako na rin ‘yung unang nagsalita para di awkward.

Sankage: Alam mo, Satanas…

Satanas: Ano ‘yon?

Sankage: Minsan iniisip ko, kahit ga’no ako kagaling o katalino o kabait o kagwapo o kahusay, di pa rin s’ya assurance na makukuha ko ‘yung gusto ko o magtatagumpay ako sa mga pinapasok ko. Alam mo ‘yon? I can still end up a failure.

Satanas: Ako pa talaga sinabihan mo n’yan? Tignan mo nga ako—ang pinakauna, pinakamaganda, pinakamarunong at pinakamaningning na anghel sa lahat ng anghel na nilikha ng diyos. E anong nangyari sa ‘kin? Loser. Diablo. Hari ng Kadiliman. Talk about ending up as a failure.

Sankage: Kaya nga sinabi ko sa ‘yo, di ba? Alam kong makaka-relate ka dahil ikaw ‘yung prime example nu’ng sinabi ko. Ganu’n ba talaga?

Satanas: Ang alin?

Sankage: ‘Yung kapalaran ng mga pinagpala. Lahat sila, sa huli, nagiging talunan, kontrabida, masama.

Satanas: Beats me.

Sankage: Ay, taray.

Sandali na naman kaming natahimik. Tinignan ko ulit s’yang mabuti. Ang ganda n’ya talaga. To think na eto na ‘yung sorry, sordid state n’ya. Pa’no pa kaya nu’ng likhain s’ya nu’ng unang-unang panahon na wala pang panahon? Grabe. Gusto ko talaga s’yang makita in his/her prime.

Satanas: Anong iniisip mo naman ngayon?

Sankage: Wala naman. Naalala ko lang ‘yung sinabi ni Mother Teresa.

Satanas: Ano naman ‘yon?

Sankage: Alam mo ba ‘yung sinabi n’ya noong nabubuhay pa s’ya? Na give until it hurts daw?

Satanas: Oo. Kahit naman ngayong nasa langit na s’ya, ‘yun pa din lagi n’yang sinasabi sa mga andu’n.

Sankage: Ba’t alam mo? Nagpupunta ka ba sa langit?

Satanas: Well, minsan. Secret lang ‘to ha. ‘Pag holy week, nakakatakas ako sa impyerno. Nakakalusot ako at nakakasilip sa langit. Hanggang silip lang naman. Di pa rin ako nakakapasok.

Sankage: Nice. Anyway, ‘yun nga. Sabi ni Mother Teresa, give until it hurts. Alam mo, ansakit-sakit na. Ta’s ang matindi pa, bigay ka na nga nang bigay, di pa rin sila makuntento. Ending, umasa na silang tuluyan sa ‘yo. Di lang s’ya masakit. Nakakapagod pa. Stress Drilon.

Satanas: E di ‘wag kang magbigay. Tapos ang problema.

Sankage: Di ko naman sila matiis.

Satanas: E ‘yun lang. Tanga ka rin e.

Sankage: I know. Sa maraming bagay, tanga ako.

Satanas: Buti alam mo.

Pumikit ako saglit. Inabsorb ko muna ‘yung mga sinabi sa ‘kin ni Satanas. Medyo mabigat ‘yon ha. Kung di ako magbibigay, ayos na nga ‘yung problema ko. Kaso, di ko naman kayang gawin ‘yon nang pirmi. For sure, bibigay at bibigay din ako. Hay. Taragis na ugaling ‘to. Nakakainis na minsan ‘yung kabaitan ko. Tangina much.

Satanas: Sankage…

Sankage: Ano ‘yon, Satanas?

Satanas: Kilala mo ba kung sino ‘yung guardian angel mo?

Sankage: Meron ba? Di na ‘ko naniniwala du’n e.

Satanas: Utot mo.

Sankage: Utot mo rin, gago! Pakealam ko ba sa guardian angel ko? Malulutas ba n’ya lahat ng problema ko? Mabibigyan ba n’ya ‘ko ng immortality? Ng happiness? Ng love life? Wala naman s’yang silbi. I can live life with or without it.

Satanas: Sa bagay, totoo naman ‘yan. Pero isipin mo, di ba mas magaan dalhin ‘yung mga bagay sa buhay kung alam mong may nagbabantay sa ‘yo? May nanonood? Kahit passive lang ang role n’ya sa buhay mo. Don’t you think mas okay pa rin na meron kesa wala?

Sankage: Siguro.

Satanas: So, ano, gusto mong sabihin ko sa ‘yo kung sino ‘yung guardian angel mo?

Sankage: No need. Tingin ko kilala ko na kung sino s’ya.

Ngumiti si Satanas. Ngumiti rin ako. ‘Yun na ang pamamaalam namin sa isa’t isa. Nakalipad na ulit ‘yung mga ibon. Bumalik na ‘yung malamig na hangin. Nagsayawan na ulit ‘yung mga sanga at dahon ng puno sa harap ng bahay namin. Back to reality. Dinampot ko ulit ‘yung librong binabasa ko. Malapit ko na s’yang matapos. Malapit na.