Basta gusto ko

by Sankage Steno

Narinig kong nakikipag-usap sa phone ‘yung isang officemate ko kahapon. Isa s’yang middle-aged na babae, maganda, mabait, matalino. Kausap n’ya ‘yung baby boy n’yang nilalagnat. Maya’t maya ‘yung check n’ya kung ayos na pakiramdam nu’ng anak n’ya, kung nakainom na ng gamot, etc., etc. Ta’s after a few minutes, may iba na s’yang kausap. OB-Gyne yata. Buntis pala s’ya ulit.

Biglang may kumurot sa dibdib ko. Nagsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ako nabigla. Pero mas lalo akong magsisinungaling kung sasabihin kong hindi ko alam kung ba’t ako nasaktan sa narinig kong usapan.

Sa edad ko kasi ngayon, sunud-sunod (kundi man sabay-sabay) ‘yung mga kaibigan at ka-batch kong nagpapakasal, nagkakaanak, nagpapabinyag o nagpapa-birthday party ng anak nila. Nu’ng 2014 lang, kumota ako sa dami ng kasal na inatenan ko. At nu’ng nagdaang Pasko, pinaalala na naman sa ‘kin ng okasyon na lahat ng inaanak ko e puro panganay na lalake. As in.

Hindi naman ako naiinggit sa kanila. Ayokong isiping naiinggit ako e. More like nanghihinayang. Nanghihinayang ako na hindi ko mararanasan ‘yung mga “normal” na bagay na pinagdaraanan ng mga kaibigan ko. ‘Yung bubuo ng pamilya, magtatarbaho para buhayin ‘yung mga anak nila, makakaaway ‘yung asawa o anak o both, magkakabati, tatanda at mamamatay gaya ng nakararami.

Yeah, sure, parang boring, pero masaya. I think that’s fulfilling.

Medyo weird lang kasi pinapangarap kong maranasan ‘yung mga normal na bagay na ‘yon to think na lagi akong nagpapakaiba at madalas e non-conformist ang peg. Kung sakali mang makikiuso ako, it’s always with a tinge of sarcasm. Ang weird lang.

Ilang taon na lang at mawawala na ‘ko sa kalendaryo. Hanggang ngayon wala pa rin akong matatag na savings. Iniisip ko kasi, para sa’n pa? Wala naman akong anak na pinag-aaral. Wala akong pamilyang pinapakain. Oo, may mga nakadepende sa ‘king kamag-anak, pero hindi sila ‘yung motivation ko para magpakahirap sa tarbaho. Speaking of trabaho, isa pa ‘yan. Madalas na kinakaladkad ko lang ‘yung paa ko papasok sa opisina. Nakakatamad kasi talaga.

Bakit ba ‘ko nagtatarbaho?

Para may panggastos. Para may pang-travel. Para may pambayad ng rent. Para may pamasahe ako pabalik sa trabaho kong malapit ko nang isuka.

May isa akong dream ngayon. Isinasaksak ko talaga sa utak ko na dapat, within 10 years, bago ako sumapit ng 40 years old (given na abutin ko ‘yung edad na ‘yon), may sariling bahay na ‘ko.

Sariling bahay. Pangarap ko s’ya ngayon pero nakaka-depress ‘pag iniisip ko. Ala naman kasi akong ititira du’n. Ako lang mag-isa. Baka ang mangyari pa, pagdating ng araw, mapansin na lang ng mga kapitbahay kong may masangsang na amoy na nanggagaling du’n sa dream house ko. Ilang araw na pala akong patay.

Pero ayoko pang mamatay. I refuse to die. Kahit parang alang malinaw na patutunguhan ‘tong buhay ko sa ngayon, I want to live it. Kahit di pa s’ya to the fullest. Kahit pa tumanda akong mag-isa. Kahit pa mas marami akong maranasang pangit at malungkot kesa ‘yung mga masarap balikan sa alaala. Basta gusto kong mabuhay. Period, no erase.