Eeehn

by Sankage Steno

Lawit-dila kong binisikleta ‘yung Mahatao, ang pinakamalapit na bayan sa Basco. Binalikan ko kasi ‘yung Blank Book Archive malapit du’n sa simbahan nila. Ito ‘yung version nila ng Facebook o blog o social media. Library s’ya ng mga librong walang laman, so ikaw ang bahalang magsulat ng kung ano man.

So nagsulat ako. First time mapunta ng Sankage Steno sa print, at du’n pa talaga sa pinakadulong lalawigan ng Pilipinas sa hilaga. In fairness sa blog ko. Good job. Pero di ko sasabihin o ipopost ‘yung sinulat ko do’n. Kung gusto mong mabasa, puntahan mo na lang. Hanapin mo ‘yung Book 21, andu’n s’ya. May isa pa ‘kong sinulat do’n maliban sa blog entry. Surprise ko na lang sa mga gustong achibin ‘yon.

Pagkatapos kong isulat ‘yung blog ko, biglang me lumapit sa ‘king bata. Well, maraming bata ang lumapit sa ‘kin at nagmano. Ang weird, pero ang cute. Sobrang friendly ng mga tao roon, bukod pa sa lahat sila e kilala ‘yung isa’t isa. So, ayun, lumapit ‘yung isang bata at nagmano. Tinanong ko kung ano pangalan n’ya.

“Eeehn,” sabi ng bata.

“Ano?” tanong ko ulit.

“Eeehn.”

Saka ko lang na-gets. May diperensya pala s’ya sa pagsasalita. So ang ginawa ko, pinaupo ko s’ya sa tabi ko at pinahiram ‘yung ballpen na hawak ko. Pinakita ko muna ‘yung drawing ko sa kanya, tapos panay ang sabi n’ya ng “Eeehn. Eeehn! Eeehn.” I took it na nagustuhan n’ya ‘yung gawa ko. Tapos s’ya naman ‘yung nag-drawing nang nag-drawing ng kung anu-ano.

Ganu’n ‘yung naging usapan namin, sa sulat. Nawala na ‘yung talent ko sa pagdodrowing e, pero kaya ko pa naman kahit konti. Saka sapat na ‘yung natira kong skill para kausapin ‘tong batang ‘to.

“Ilang taon ka na?” sabi ko.

“Eeehn.”

Nakalimutan ko. Di nga pala s’ya nakakapagsalita. Ganu’n ako e. Kahit alam ko na, nakakalimutan ko pa rin. Kaya siguro ako nagba-blog. Para may magpapaalala lagi sa mga ginawa at alam ko.

Tuwing matatapos mag-drawing si Eeehn, lagi kong pinipicturan ‘yung gawa n’ya. Kasama s’ya, syempre. Eto ‘yung sample ng gawa n’ya:

Jpeg

Hindi lahat ng and’yan e gawa n’ya. ‘Yung ilan d’yan e ako nagdrowing, pero di ko na sasabihin kung alin. Para naman kasing magkasing-level lang kami. Go figure na lang. Baka mapahiya pa ‘ko sa ‘yo.

First time kong makipag-usap talaga sa isang “pipi.” Di ako sanay mag-sign language (maliban sa “Tell the World of His Love” na pina-memorize sa amin noong dumating si Pope John Paul II nu’ng 1995). Di rin naman sanay mag-sign language si Eeehn. Although alam kong sanay s’yang magbilang at magsulat ng ilang letters at numbers. Pipi s’ya, pero marunong.

May nakita akong school for kids with special needs sa Basco nu’ng naglakad-lakad ako du’n. Ewan ko lang kung du’n naka-enroll si Eeehn. Sana. Nakakalungkot lang kasi kung hindi n’ya mapapayabong ‘yung skills at knowledge n’ya.

Pagkatapos n’yang mag-drawing, binigyan ko s’ya ng candy. No, I’m not Michael Jackson. Hindi rin ako si Pied Piper. Mabait lang talaga ako. Then, after naming ma-bore pareho sa company ng isa’t isa, sinoli na namin ‘yung Book 21 sa archive. Binigay ko na rin ‘yung ballpen kong pink (pero black ink) sa kanya. Gift ko. Tapos nu’n, dinala n’ya ‘ko sa simbahan, du’n sa may altar. S’ya pala ‘yung tagabukas ng ilaw sa loob kapag may turista. Narinig ko lang na sinabi ng isang Ivatan tour guide.

Pagkatapos nu’n, na-bore na rin ako. Lumabas ako ng simbahan at iniwan si Eeehn sa loob kasama ng ibang turista. Gusto ko pa sanang mag-stay for more soul-enrichment sessions. Kaya lang, what for? Mayaman na naman ang kaluluwa ko. Saka malulungkot lang ako lalo kapag nag-invest pa ‘ko ng emosyon sa batang ‘yon o sa lugar na ‘yon. Marami na ‘kong baggage e. Isa-isa lang. Mahina kalaban.

Sumakay ako sa nirentahan kong bike at lawit-dilang bumalik sa Basco nang hindi nagpapaalam kay Eeehn.

Jpeg