Papa Cologne

by Sankage Steno

I don’t feel blessed. I feel grateful. Nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ng long weekend sa pagdating ni Pope Francis. Pero mas nagpapasalamat ako dahil sa ipinakita at ipinadama n’yang malasakit, lalo na sa mga survivors ng super bagyong Yolanda at sa mga nasa laylayan ng lipunan (except LGBT. base sa pagkakaintindi ko sa mensahe n’ya sa MOA Arena, although thankful pa rin ako sa pag-rock n’ya ng boat sa kanyang previous statements ukol dito).

Nagpapasalamat din ako sa mga quotable quotes ni Pope Francis na deserving sa trend na #hugot.

‘Yung pakikiramay n’ya sa mga taga-Leyte, ‘yung pagpapaalala na ang pag-ibig ay ibinibigay kung gusto mo ring tumanggap, ‘yung pagsasabuhay ng pagkalinga at pagdamay sa kapwa (kahit pa iba ang kanilang paniniwala). Very Jesus lang talaga ang peg. Di ko lang maintindihan kung ba’t kailangan pang pumunta ng Pope dito para maalala natin ‘tong mga feels na ito. ‘Tong mga lumang lessons na ‘to.

Sa bagay, short-term kasi ‘yung memory nating mga Pilipino, so dapat talaga ulit-ulitin ‘yung message. At dapat superstar ‘yung magre-remind sa ‘tin para mas matindi ang recall. Pero ba’t nu’ng pinaalala ni PNoy ‘yung mga kasalanan at kagaguhan ng mga pari sa Pilipinas, maraming umalma? I think that’s the perfect time and place para sabihin ni Noynoy ‘yung mga bagay na ‘yon, right then and there na nasa tabi n’ya ‘yung puno ng Simbahang Katolika.

Nakalimutan ko. Inviolable nga pala ‘yung hospitality natin. Dapat laging pinapasaya at inaangat sa pedestal ang mga bisita.

Para sa isang katulad kong walang relihiyon, ‘yung pagpunta na ‘to ng Santo Papa ay wala lang talagang effect sa ‘kin, except buong bansa ay apektado, kaya damay na rin ako sa a) walang pasok, b) walang traffic at c) sa bait-baitan atmosphere ng lahat ng tao. Parang Pasko ulit. Pero gaya ng Pasko, pagkalipas nito, back to normal. I don’t mean to be KJ, pero ganu’n naman talaga ang nangyayari kadalasan. Parang ‘yung mga taong nagsisimba pero paglabas ng simbahan, panay pa rin ang mura, nangangaliwa pa rin, nagsisinungaling, atbp.

Ipokrito ko naman kung sasabihin kong di ako naantig sa mga sinabi ni Pope. Of course, tao rin ako, may puso’t damdamin, kaya feel na feel ko ‘yung pakikiramay n’ya sa ‘tin. Medyo bad trip lang ako kasi nu’ng ako ‘yung nagpapakita ng mercy and compassion sa kapwa ko, walang nag-cheer sa ‘kin. Take note, nagpakita. Di lang basta nagsabi. Dapat i-cheer n’yo rin ‘yung mabubuting ginagawa ko at di lang ‘yung Pope kapag nagsasalita s’ya tungkol dito.

Charot.

Manghingi daw ba ako ng sympathy at support sa “kabutihan” ko. Andami-dami kaya d’yang mas tahimik na gumagawa ng mabuti. ‘Yung mga tahimik na nagpapakita ng lakas at nagsasakripisyo para sa mga mahal nila sa buhay (at kahit sa di nila mahal sa buhay, pramis). Sobrang dami nila. May mga kaibigan at kapamilya akong gano’n, pero di ko na lang ime-mention ‘yung names nila. Meron din akong mga kakilala at kakilala ng kakilala na grabe ang mercy and compassion sa buhay, pero wala lang. Di naman nare-recognize on national TV. Mamamatay din silang walang magpu-push na gawin silang santo.

Pero grateful ako sa mga ganu’ng tao. I think sila talaga ‘yung bumabalanse sa evil dito sa mundo. Kung wala ‘tong mga silent do-gooders na ‘to, baka tuluyan nang nagunaw ‘tong mundo. Kahit pa ilang Pope Francis ‘yung dumating, I’m sure wala ring effect kung wala ‘yung mga ganitong tao.

I just hope na ‘yung mga taong sumalubong, yumakap, nag-picture, naiyak, nag-abang, nakidasal at nakisalamuha kay Pope Francis e mas maging malingap, magpagkumbaba, maintindihin at mapagmahal hanggang sa dulo ng kanilang mga buhay. ‘Yung hindi lang tatagal ng limang araw dahil nandito pa ‘yung celebrity guest natin. Malakas kasi ‘yung kutob kong ningaskugon lang ‘yung kabanalang pinapakita ng mga tao ngayon e. Parang cologne, sandali lang ‘yung bango. But, hell, I want to be proven wrong.