Dear Pinoy TV reporters, kalma lang

by Sankage Steno

Ngayong nakaalis na si Pope Francis, siguro naman pwede na nating i-postmortem review ‘yung naging coverage ng mga TV networks, particularly ng ABS-CBN at GMA, sa pagdalaw ng Santo Papa sa bansa. Ang una kong tanong sa mga reporters: Kung papanoorin n’yo ulit ‘yung sarili n’yo, magiging proud ba kayo?

Ako kasi hindi e. As in. Ang hirap na nga para sa isang non-believer na tulad kong panoorin ‘yung pare-parehong palabas sa local channels, makakasaksi pa ‘ko ng mga unprofessional at fans-na-fans type of reporting. Ano ‘to? Premier night ng pelikula ni Nora Aunor noong dekada 70? Daig n’yo pa ‘yung mga Noranian sa pagpapakawala sa sarili n’yo.

Aba naman, lahat na lang ng lipatan kong channel, ‘yung mga reporter at news anchor, iisa ang sinasabi: Paparating na po ang Santo Papa! Nagsisigawan na po ang mga tao! Ayan na po ang convoy! Dumaan na po ang Santo Papa! Ang lakas ng hiyawan ng mga tao! Pope Francis! Pope Francis!

Jusko. Lahat talaga dapat may exclamation point? Ngayon lang ba kayo nakakita ng lalaking nakapalda? E makapagpalda nga bukas sa opisina nang magsigawan din ‘yung mga taong madaraanan ko papasok sa trabaho. Baka makita ko pa ulit ‘yung sarili ko sa TV. Taragis lang. Nawala ‘yung pinag-aralan ng mga reporter na ‘to ng apat na taon nang dahil lang sa isang paring Latino. Umayos nga kayo.

Bakit di n’yo i-try na tuwing magre-report kayo ng traffic o ng krimen, nagtataasan lagi ‘yung mga boses n’yo? ‘Yung tipong, “AHMAYGAHD! Pinagpapatay ng mga Ampatuan ‘yung mga journalist! AHHHH!” O kaya naman e, “PUTANGINA! Ang traffic-traffic sa EDSA. JESKELERD!” Gawin n’yo na lang peryaan ‘tong Philippine journalism. Tutal naman,  mukang mabisa s’yang pangkuha ng atensyon. Baka lalong tumaas pa ‘yung ratings n’yo at baka lalong aksyunan ng pamahalaan ‘yung mga problema ng bansa kapag ganyan kayo mag-report.

Ibang klase talaga kayo. Tumitindig ‘yung balahibo ko di dahil sa lamig. Nakakatakot kasi kayong panoorin. Parang any moment now e hihimatayin kayo o magbe-break down and cry-lalu. Kalurks! Ka-level n’yo na ‘yung mga teenage girls na nagwawala at umiiyak sa pagbili pa lang ng ticket sa concert ng One Direction. Aba matinde! Akala ko pa naman e tapos na kayo sa ganyang stage ng inyong buhay. Ano ‘to, second puberty?

Maglaglag na tayo ng pangalan. Uunahin ko na sina Mike Enriquez, Korina Sanchez at Noli de Castro. Una, nakakairita ‘yung mga pagtatanong at side comments n’yo. Walang sense. Wala akong nakuhang matino. Pangalawa, antagal-tagal n’yo na sa ganyang propesyon, nadadala pa rin kayo ng emosyon n’yo? Well, fine, tao rin kayo. Pero pwede bang i-temper n’yo man lang? Di naman life-death situation ‘yan e. May bisita lang tayong pari. Susme.

At ‘yung mga field reporters n’yo. Grabe lang talaga. Ayoko nang ulitin ‘yung sarili ko.

Para fair, gusto ko lang i-commend si Jessica Soho. S’ya lang ata ‘yung naging kalmado sa buong sitwasyon, although may mga parts din na parang wala s’ya sa sarili. ‘Yung mga tanong sa kanya ni Mel Tiangco, for example, di n’ya nasasagot nang diretso. Siguro iniiwasan din n’yang lumabas na may pinapaborang relihiyon. Sige na, pasado na s’ya. Nakatulong sa kanya ‘yung ilang dekada n’yang pagiging reporter. Good job, Jes.

Natutuwa rin ako sa isa kong ka-batch sa UP na reporter na ngayon ng GMA. Di ko na lang papangalanan dahil baka sabihin biased ako. Fine, si Jam Sisante. Bumigay din ako. Leche. Nakakahawa sila. Pansin ko lang talaga na mahinahon s’ya sa pagre-report at malinaw ‘yung paglalarawan n’ya ng mga pangyayari kahit ‘yun at ‘yun lang din naman ‘yung nangyayari: Darating si Pope, daraan, maghihiyawan, lalagpas, babay na.

I-compare mo kay Susan Enriquez at Joseph Morong na “nagtititili” sa pag-uulat ng mga pangyayari. Nasabihan tuloy si Joseph ni Jessica ng “Kalma lang.” Ay patay. Wa poise. Next time kasi, magtitili na sa banyo o offcam para pagdating ng live, kontrolado na ‘yung emosyon. Sa mga panahong ‘to, gamit na gamit ko ‘yung Mute ng remote control. ‘Yun pala use n’ya. Ngayon ko lang napagtanto.