Malamig na kwarto

by Sankage Steno

Napabalikwas ako kanina sa kama. ‘Kala ko me pasok. Putek lang. Di na ‘ko nakabalik sa pagtulog. Ang aga pa naman, wala pang alas-syete. Ansarap pa sanang magbabad sa kama. Anlamig-lamig. Patay ‘yung electric fan, pero balot na balot pa rin ako ng kumot. ‘Yun nga lang, ayaw na ‘kong dalawin ng antok. Siguro me nag-iisip sa ‘kin.

Kung makapagpantasya naman ako, wagas.

Ano bang masama? Ako lang ba gumagawa no’n? Ako lang ba nagpapantasya kapag nasa kama at naghihintay makatulog? ‘Wag ka ngang magmalinis. JK. Awayin daw ba kita. Nananahimik ka lang na nagbabasa, ta’s ako pa ‘tong may ganang basagin ‘yung trip mo. Sorry naman, napaaga lang ng gising. Magbiro ka raw sa lasing, ‘wag lang sa bagong gising. La lang. Nasabi ko lang.

Matanong ko lang. Ano ba pinagpapantasyahan mo? Or sino? ‘Yung sa ‘kin, gusto mong malaman? Libre mo muna ako ng kape. Samahan mo na rin ng pancakes at bacon. Ta’s saka ko ikukwento sa ‘yo ‘yung mga pantasya ko kapag sinusubukang makatulog. Ta’s para fair, kwento mo na rin sa ‘kin ‘yung mga pantasya mo. Magpalitan tayo ng pantasya. Malay mo naman, pareho lang pala tayo. Baka tayo na para sa isa’t isa.

Taragis. Ang corny kong dumamoves. Halatang virgin.

Virgin?

Pota. Ala na namang matinong maisip ‘tong utak ko. Sabaw na naman. Pagpasensyahan mo na’t kulang sa tulog. Kung kelan naman walang pasok, saka pa ‘ko nahirapang makatulog. Da’t sa mga oras na ‘to e naghihilik pa ‘ko, or nanaginip, or nagpapantasya nga habang tulog. Ansaya pa naman kapag naisasakatuparan mo sa panaginip ‘yung pinapantasya mo sa buhay. Ta’s maba-bad trip ka na lang kapag nagising ka. Di pala totoo.

Pero, at least, naramdaman mo naman ‘yung sarap na maging totoo ‘yung pantasya mo kahit saglit lang. Ok na ‘yun, ‘no! Aarte ka pa ba? Iilan lang ba ‘yung tao sa mundong nakakaranas na maging totoo ‘yung pinapantasya nila? Di ko alam. Pero feeling ko kokonti lang sila. Hindi naman kasi totoo ‘yung happy ending. Ending lang, walang happy.

Bitter?

JK. Naniniwala pa rin ako sa happy ending kahit malakas ‘yung kutob kong hindi sa ‘kin magiging totoo ‘yon. Minsan kasi mas gusto ko ‘yung tragic na ending. Parang ngayon. Nakaupo lang ako sa kama, nababalutan ng kumot ‘yung kalahati ng katawan. Malamig ‘yung paligid, tumatagos sa buto’t kalamnan. Na lalong nagpapaigting sa sakit na bumabalot sa aking puso. Arte. Pero nae-enjoy ko ‘yung sakit. Masarap naman s’ya sa pakiramdam. Pramis.