Mamamatay ka rin

by Sankage Steno

Nakadaupang-palad ko pala si Kristel Mae Padasas, ‘yung volunteer na namatay sa Tacloban nu’ng dumalaw si Pope Francis. Di kami close, pero nagkasama kami sa isang event ng Couch Surfing Manila nu’ng nagdaang summer. Kung di pa pinaalala sa ‘kin ng isa kong kaibigan kahapon, di ko pa malalaman na kakilala ko s’ya. Lalo tuloy akong nalungkot.

Ta’s kagabi, ‘yung same friend ko na ‘yon na nagpaalala sa ‘kin e nagtext nu’ng saktong papatulog na ‘ko. Binalita naman n’ya sa ‘king namatay na rin daw si Angel, isa na namang kakilala at kasamahan sa Couch Surfing Manila. Eto kilala ko talaga dahil twice ko s’yang nakasalamuha: isa sa Ati-Atihan at isa sa same event na pinag-volunteeran namin ni Kristel.

Naiyak na talaga ako. Di ko pa sila ka-close n’yan ha. What more!

Naalala ko rin kasi bigla ‘yung mga estudyante kong namatay nang maaga, pati na rin ‘yung dati kong prof sa UP na naaksidente sa Commonwealth Avenue, ‘yung tita kong namatay nu’ng New Year’s Eve (Naalala ko na naman ‘yung madugong sandali na kitang-kita kong namamatay s’ya. Pota.), ‘yung lolo kong namatay dahil sa karamdaman (at dahil na rin siguro sumuko na sa buhay), at ‘yung papa kong di na nagising more than a decade ago.

Naisip ko rin ‘yung mga buhay ko pang mahal sa buhay at na-imagine ko, pa’no kung namatay na rin kaya sila? Du’n na talaga ako naiyak. Ta’s nag-worry din syempre ako sa sarili kong kalagayan at kalusugan. Well, kahit naman kasi malusog ka, pwede kang maaksidente. Sobrang di mo talaga alam kung kelan ka mamamatay.

Ayoko pang mamatay.

Dahil sa dalawa kong kasamahan sa CS na pumanaw (Wala na po sanang sumunod.), napilitan na naman akong magmuni-muni tungkol sa buhay at kung ga’no s’ya kahalaga. Isa lang kasi s’ya, as in! Hindi pa man din ako naniniwala sa afterlife, so sobra talaga ang pagmamahal ko sa buhay ko ngayon.

Ito lang kasi ‘yung buhay na meron ako para gawin ‘yung mga dapat at di dapat kong gawin. Ito lang ‘yung buhay na meron ako para magmahal at mahalin ng iba. Ito lang ‘yung buhay na meron ako para magpakatanga at magpakadunong. Ito lang ‘yung buhay na meron ako para gumawa ng mabuti at magkamali nang paulit-ulit. Ito lang talaga!

Kaya nga gusto ko nang itodo ‘yung pagpapakatanga. Matalino na kasi ako e.

Pero seriously, kahit uncomfortable isipin, mamamatay talaga ako at ikaw. Wala tayong kawala rito. Death is the ultimate equalizer. Ke mabuti ka o masama, mamamatay ka. Ke mayaman ka o mahirap, mamamatay ka. Ke straight ka o hindi, mamamatay ka. Ke magmahal ka o hindi, mamamatay ka. Kasalanan mo ‘yan e, nabuhay ka kasi.

Nanisi raw ba ako? E wala naman sa ‘ting nag-wish sa magulang na, “Ipanganak n’yo po ako! Gusto ko pong mabuhay! Gusto kong maranasan ‘yung hirap at sarap na dulot ng pagkabuhay sa mundo! Parang-awa n’yo na! Ipanganak n’yo na po ako!” Meron bang gumawa no’n? Ako, sigurado akong hindi ko hiniling ‘yon.

Pero labis pa rin ‘yung pasasalamat ko dahil nabuhay at buhay ako.