Mas madaming malungkot

by Sankage Steno

Edi ikaw na masaya. ‘Wag mo na ‘tong basahin kung masaya ka ngayon. ‘Tong episode ko ngayon e para lang sa mga sawi at nagkukunwaring masaya. ‘Yung ang drama e, “Yeah, I’m fine (pero deep inside wasak na wasak, ngingiti-ngiti pa).” Style mo bulok, gago!

Da’t kasi, ‘pag malungkot ka, ipagsigawan mong malungkot ka. Di ba ‘pag masaya ka naman, minsan gusto mong isigaw sa mundo na ansaya-saya mo? Da’t ganu’n din ‘pag sad ka. Pero, sige, bahala ka. Kanya-kanya naman tayo ng trip. Nagbibigay lang ako ng ibang perspective at ibang way in dealing with the saddest things in life.

Tulad na lang ng pagkatalo ni #MJAllTheWay sa Miss Universe. Andami-dami pa namang umasang mananalo s’ya, lalo na ‘yung mga bakla. O, tahan na. Mag-sourgraping na lang tayo para maibsan ‘yung denial o galit na namumutawi sa ating mga puso’t kaluluwa. Ganyan talaga sa mga competition, may¬†nananalo at may nadadaya. Kung fans na fans ka talaga ng Miss Philippines, syempre, alam mo nang nadaya s’ya.

Sige lang, iyak ka lang d’yan. Sabayan mo na rin ng hilot sa sugatan mong puso.

Pero may mas malungkot pang balita rito. Natabunan lang s’ya ng glamour ng nasabing beauty pageant. Ang di alam ng nakararami, du’n sa Maguindanao, me pinagpapatay na naman. This time, hindi mga Ampatuan ang involved—mga miyembro naman ng Moro groups. Kung di mo pa nababalitaan hanggang ngayon, hindi bababa sa 29 (49 as of my last reading) na pulis ang napatay ng nasabing armadong grupo.

Alam mo ba kung ga’no karami ‘yon? Isang section na halos sa school. Imaginin mong lahat ng kaklase mo e patay sa loob ng classroom, kasama na ikaw. Ganu’n s’ya karami. Idagdag mo pa na lahat ng namatay e honor students. Special Action Force daw kasi ‘yung mga napatay na pulis. Ewan ko lang kung ba’t ganu’n sila kadaling natodas ng mga tagaro’n.

Ang balita ko kasi, me tinutugis na 2 Malaysians na kasapi naman daw ng Jemaah Islamiyah ‘yung mga pulis natin. Ta’s di raw nakipag-coordinate sa mga taga-MILF at BIFF (Tama ba?); kaya ang nangyari, sila ‘yung pinagpapatay. Ewan. Basta ganyan ‘yung intindi ko du’n sa nabasa kong balita. Grabe lang ang pagka-territorial nating mga tao. Wala tayong pinagkaiba sa mga mababangis na hayop sa ilang.

Grabe talaga. Andaming patay.

‘Yun nga lang isang tao ang mamatay, ambigat-bigat na sa kalooban, ta’s gawin mo pang 29? Please, ‘wag mo nang ipaalala ‘yung nangyari sa Tacloban. Naninikip na naman ‘yung dibdib ko. Ang hirap huminga. Juskopo.

Ta’s ikaw ang pinoproblema mo lang e ‘yung puso mong wasak? Well, puso naman ‘to. Nage-gets kita, khoya, auntie. Masakit talaga ‘yan. Pero ‘wag naman sana tayong maging manhid sa pagdurusa ng iba, hano? Tayo (Yes, tayo talaga), may chance pa ulit na makahanap ng iba. Pero si #MJAllTheWay, wala nang chance manalo sa Miss Universe. At ‘yung mga pulis na pinatay sa Maguindanao, wala na ring chance na mabuhay pa ulit sa mundong ‘to.

Hinay-hinay lang tayo sa kadramahan, okey?