Round-trip ticket

by Sankage Steno

Meron akong masayang problema ngayon. Nakakuha kasi ako ng voucher from PAL na pwede kong ipalit ng isang round-trip ticket sa kahit anong local destination sa Pilipinas. Valid s’ya hanggang January next year. Ayos, di ba? Hindi ko alam ngayon kung sa’n ako pupunta. Tulungan mo naman ako.

Marami na ‘kong napuntahang magaganda at pangit na lugar dito sa bansa, pero marami pa rin akong hindi napupuntahan. If you want to know (kahit di naman talaga), nakapag-Luzon, Visayas at Mindanao na ‘ko. Ayokong gamitin ‘yung ticket ko sa domestic flights nila sa Luzon, except Palawan. Kaso nakapag-Coron na ‘ko at Puerto Princesa. El Nido, hindi pa. Marami pa ring pwedeng puntahan sa islang ‘yon na hindi pa commercialized.

Sa Visayas naman, gusto kong mag-Boracay ulit. Kaso, ulit? Di ko pa napupuntahan ‘yung Iloilo, Aklan, Antique, Guimaras at Capiz. Di ko pa rin nararating ang Leyte at Samar islands, kasama ‘yung Biliran. Nakapag-Cebu na ‘ko, Siquijor. Negros Occidental at Oriental, at Bohol. Pwede naman akong bumalik sa Bacolod para makapag-Masskara Festival, tapos tawid na lang ng Panay Island. Pwede rin akong bumalik ng Bohol para makita ‘yung pagbabago roon matapos ‘yung lindol nu’ng 2013.

Sa Mindanao, di ko pa napupuntahan ‘yung ARMM, GenSan, Sarangani, Surigao, Agusan, Lanao, Zamboanga, ‘yung ibang Davao provinces at ‘yung napakarami pang destinations do’n. Ang napuntahan ko pa lang du’n e Bukidnon, CDO, Davao City at Camiguin. Niyayaya ako ng mga kaibigan kong pumunta ng Butuan City, ta’s mag-Surigao kami, this March. Gusto ko rin naman, pero di pa final ‘yung decision ko.

Or pwede rin naman akong bumalik ng Batanes sa tag-init. Di ko pa kasi napupuntahan ‘yung Itbayat Island. Ta’s ang balak ko pa, ‘pag nag-offload ulit ‘yung eroplano dahil sa malakas na hangin, magvo-volunteer ako para mabigyan na naman ng libreng RT ticket. Shet, ba’t ko sinabi ‘yung strategy ko? Asa naman. I’m sure marami nang nakaisip gumawa no’n. Or maybe not.

Ang isa pang kino-consider ko e pumunta sa Tacloban. Alam kong sobrang late na pero gusto ko talagang makita ‘yung mga sinira ng super bagyong Yolanda. Grabe lang kasi. Sa TV pa lang, sobrang naiiyak na ‘ko, pa’no pa kaya ‘yung mga taong talagang nakaranas nu’ng delubyong ‘yon? I just can’t. Jusme.

Now, kung taga-Visayas ka o Mindanao, baka naman pwede mo ‘kong i-host sa probinsya mo. Di naman ako manggugulo. Gusto ko lang maka-experience ng bago. Take note, bago. Not necessarily maganda. Okey lang kahit pangit ‘yung mga makita o ma-experience ko, basta bago. ‘Wag mo lang akong dadalhin sa mga lugar na pwedeng maging libingan ko. Like Maguindanao. Although gusto ko ring mapuntahan ‘yun balang araw. ‘Wag muna ngayon, nagluluksa pa ‘ko sa mga namatay doon, both recently and in the not-so-distant past.

So, ano, sa’n mo ‘ko gustong sunod na pumunta?