Walang mukha, puro balls

by Sankage Steno

Sinigawan ko ‘yung demonyong nandedemonyo sa ‘kin kaninang umaga. Tangina lang ‘tong mga kampon ni Satanas. Sabi nang ‘wag akong guguluhin kapag Monday morning, nanggulo pa rin. Makakatikim na talaga sila sa ‘ken.

Kakaluwas ko lang kasi kaninang madaling-araw. Pagdating ko sa apartment, natulog pa muna ulit ako. Tapos, after an hour or so, narinig kong nag-ring ‘yung alarm ng kaibigan ko. Nagising ako saglit, pero bumalik ulit ako sa pagtulog kasi medyo maaga pa. Maya-maya, naalimpungatan ako. Pagdilat ko ng mga mata ko, me nakita akong batang nakaputi sa may paanan ko. So, ginawa ko, tinignan ko s’yang mabuti.

E biglang lumapit papunta sa mukha ko.

Potarages ‘yan. Nakita kong wala s’yang mukha. Ta’s akala ko nu’ng una, batang babae, pero parang naging lalake s’ya nu’ng mas nakalapit na sa mukha ko. Ang ominous lang talaga ng feel. Alam kong hindi maganda ‘yung kaharap ko. I’m not saying na masama s’ya, ha. Pwede pangit lang talaga ‘yung aura nu’ng faceless kid, pero baka naman, deep inside, mabuti s’ya talagang entity.

Labo.

Du’n ko rin nalaman na hindi pa pala talaga ako gising. Ang ginawa ko, sa halip na pumikit at magpadala sa takot, lalo kong tinitigan ‘yung batang walang mukha. Ta’s sabi ko sa isip ko, kung kaya mo ‘kong takutin, kaya ko ding magmatapang. Sabay sigaw nang malakas.

Saka ako nagising nang totoo. O baka nananaginip pa rin ako hanggang ngayon? Di kaya isang mahabang panaginip lang ‘tong buhay ko? Ewan. ‘Yung tailend pa ng sigaw ko, umabot hanggang sa real world. Di ko alam kung narinig ‘yun ng kaibigan ko. Mukha namang hindi kasi tulog pa rin s’ya nu’ng bumangon ako.

Then, kinilabutan ako nang todo. Kinilabutan ako sa takot, pero kinilabutan din ako dahil sa pinamalas kong tapang. Pinamalas na tapang? Sige, go, magbubuhat pa ‘ko ng sarili kong bangko. E kasi naman, ikaw ba naman ‘yung magising tapos me batang walang mukha sa paanan mo. Di ka ba matatakot? Buti nga nakuha ko pang makipagtitigan sa kanya kahit ala naman s’yang mata. Sinigawan ko pa. Kaya mo ‘yon? I bet kaya mo rin ‘yon. Ganu’n talaga kapag nanganganib ang buhay. Fight or flight. Pinili ko lang mag-fight kanina.

Ewan, basta kapag naaalala ko, kinikilabatubatitan ako. Take note, kalbo pa ‘ko nung lagay na ‘to, pero tumataas ‘yung buhok ko sa ulo, e ala nga akong buhok. Saya, di ba?

Ang kinakatakot ko lang habang sinusulat ‘to ngayon, baka balikan n’ya ko mamayang gabi o bukas ng madaling-araw. O sa ibang araw. Mas matindi, baka naman nasapian na n’ya ako. Well, at least alam mo na ngayon dahil naisulat ko na rito sa blog ko. Kung may mangyari man sa ‘king masama, o kung may magtangka mang magnakaw ng kaluluwa ko (kahit di ako sure kung meron nga ako no’n), informed ka na. Tumawag ka na lang ng exorcist. ‘Yung cute, ha?

#Charaught.