Sa distrito ng lumbay

by Sankage Steno

Inalok ko ng sigarilyo si Kuya Toto. Tumanggi s’ya. Di naman ako nainsulto. Gusto ko lang namang i-share sa kanya ‘yung sarap ng paninigarilyo. Gusto lang din naman n’yang ipaalala sa ‘kin na hindi maganda sa katawan ‘yung paninigarilyo. Pareho namang maganda ‘yung layunin namin sa isa’t isa, pero di pa rin kami nagtagpo sa gitna. Natuloy ako sa pagyoyosi, at natuloy s’ya sa pagtanggi.

Sabi n’ya, sa yosi daw namatay ‘yung tatay n’ya. Kaya, ayun, sinumpa na n’yang hinding-hindi s’ya hihitit kahit isang stick ng kahit pa pinakamasarap o pinakamurang sigarilyo na mapadpad sa isla nila. Nirerespeto ko naman ‘yon. Mahirap mawalan ng tatay. Alam ko ‘yung pakiramdam na ‘yon. Lahat kasi ng tatay, ama o lolo sa pamilya ko, mga nagsimatay na.

Tinulungan ako ni Kuya Totong sindihan ‘yung hawak kong sigarilyo. Mahirap talagang magsindi sa isla nila, lalo pa du’n sa tuktok ng burol kung sa’n kami naghihintay ng papalubog na araw. Napakalakas ng hangin. Kapag dumura ako sa harap ko, du’n s’ya napupunta sa tagiliran ko. Kung malas-malas pa at biglang nag-iba ng direksyon ‘yung hangin, pwedeng sa damit ko ang tama ng dura. Dura ko naman ‘yon kaya di masyadong nakakadiri.

Hinarangan n’ya ‘yung gilid ko kung sa’n nanggagaling ‘yung hangin. Pinaikot ko ‘yung gulong ng lighter. Ayaw kumapit ng apoy. Tinuro ni Kuya Toto ‘yung isang kumpol ng mga matutulis na halaman sa isang tabi. Du’n daw ako tumalungko para magsindi ng sigarilyo. Sinunod ko s’ya. Lumapit s’ya ulit sa tagiliran ko para harangan ‘yung hangin. Kinaskas ko ulit ‘yung gulong ng lighter. Kumapit ‘yung apoy. Dinikit ko agad ‘yung sigarilyo sabay hitit na parang umiinom ako ng Zesto orange juice.

Sa wakas, nakapagsigarilyo rin.

Menthol. Putek. Anlamig-lamig na nga sa labas, pati ba naman ‘yung loob ng katawan ko, malamig pa rin. Di ko tuloy maiwasang ikumpara s’ya sa puso ko. Mainit naman s’yang tumitibok, pero may nagpapalamig sa kanya. Kilala mo s’ya. S’ya ‘yung taong kakaibiganin ka, patatawanin at pakikitaan ng magagandang bagay. Pero hanggang du’n lang ‘yon. Ikaw na ang tanga kung makakakita ka pa ng higit na motibo sa mga ganu’ng bagay.

Nagpakatanga ako.

Hinayaan kong ubusin ng hangin ‘yung hawak kong sigarilyo. Sa totoo lang, di naman talaga s’ya naubos. Pinatay lang n’ya ‘yung ningas nito—‘yung ningas na pinaghirapan kong paalabin. Lintik na bisyo ‘to. Supposedly pinapakalma n’ya dapat ako. Pero sa ngayon, pasakit s’ya. ‘Yung pambibitin n’ya sa baga ko, lalo lang nakadagdag sa lamig. Kasalanan ko rin naman. Hinayaan kong lumipad ‘yung isip ko. Lumipad s’ya kasama ng hanging pumatay sa sindi ng yosi ko.

Panay pa rin ang kwento ni Kuya Toto. Hati-hati ko lang s’yang iniintindi. Nagmu-multitask kasi ‘yung isip ko. Kalahating nakikiramay sa kalungkutan ng kasama ko at kalahating nililipad ako sa distrito ng lumbay na alam na alam ko na yata ang pasikut-sikot.

Namatay daw ‘yung kapatid ni Kuya Toto sa Mindanao. Pinatay ng Abu Sayyaf. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa dahil, at least, buhay pa ‘ko, o kung dapat akong malungkot dahil, buti pa s’ya, tuluyan nang nilamon ng lamig.

Binigyan ko pa ulit ng pagkakataon ‘yung yosi ko. Nabuhay naman. Nakabisa ko na ‘yung ikot ng hangin. O baka naman ‘yung paggamit ng lighter ang na-master ko. Di na mahalaga kung alin ang alin. Basta buhay na ulit ‘yung stick na unti-unting pumapatay sa ‘kin. Di magtatagal at tuluyan na rin akong yayakapin ng matinding lamig.

Lumabas na ‘yung araw mula sa mga ulap. Tinamaan ng silahis ‘yung mukha ko. Mainit. Ano ba talaga? Magpapalamon na lang sa gabing malamig, magpapabaon pa ng nalalabi n’yang init. Ang gulo lang.

Nagsasalita pa rin si Kuya Toto.

Nagpapaalam na ‘yung araw.

Tinapon ko ‘yung hawak kong sigarilyo.