Hayaan mo lang s’ya

by Sankage Steno

Hinila ko ‘yung isang hibla ng buhok ko sa kilay, abnormal kasi ‘yung tubo. Bukod tanging s’ya lang ‘yung humaba at kumulot. Gusto mo ‘yon? Kumukulot ‘yung kilay ko? Pota. Sa sobrang kabusyhan ko sa paglalagas ng kilay, di ko namalayang tumutulo na pala ‘yung ilong ko.

Tulo? Pota times two! Kadiri s’ya, pramis. Hindi naman kasi uhog o sipon ‘yung tumulo. Uod.

Yes, uod. Di ka ba nakakaintindi? Worm. At habang lumalabas s’ya nang dahan-dahan sa ilong ko, unti-unti rin s’yang umaani ng laki. Oo, lumalaki ang putangina. E di lalong kadiri.

Inabot ng limang minuto ‘yung paglabas n’ya sa ilong ko. Inorasan ko talaga. Di kasi ako makahinga. Ang record ko lang sa pagpipigil ng hininga e two minutes. Kapag sumobra pa do’n, either hihimatayin na ‘ko o mamamatay na talaga. Ang ginawa ko na lang, huminga ako sa bibig at sa natitira pang butas ng ilong ko. Ang hirap. Parang bumalik ulit ‘yung hika ko.

Pero nakaya ko naman. Eto nga’t buhay pa ‘ko. Nakakapagsulat pa.

Humarap sa ‘kin ‘yung uod pagkalabas n’ya. Ganito s’ya kalake: Alam mo ‘yung letter ‘g’ sa sign ng Glorietta 4 sa Makati? Ganu’n s’ya kalaki at kahaba. Kadiri talaga. At eto pang matinde: Nagsasalita ang hinayupak. Kinausap ako matapos kong mabawi ‘yung hininga ko.

“Sorry ha,” sabi ng uod. “Ayoko namang lumabas sa bibig mo dahil baka mawalan ka ng ganang kumain. Ayoko din naman sa tenga dahil baka ma-damage ko ‘yung eardrums mo. Ilong na lang talaga ‘yung pinaka-safe.”

“E ba’t di na lang sa pwet, hayop ka!” sagot ko. In fairness sa ‘kin, na-contain ko ‘yung pagkagulat ko sa nangyayari. Kalmado pa rin ako kahit merong uod na lumabas sa katawan ko at ngayon e kinakausap ako.

“Nakapantalon ka kasi. Baka magalit ka kapag sinira ko ‘yung pantalon mo. Saka mas malayo s’ya e.”

“Anong mas malayo?”

“Mas malayo ‘yung gagapangin ko kung du’n ako sa pwet mo lalabas.”

“E baket? Sa’n ka ba galing? Di ba sa bituka ko naman?”

Nakita kong nabago ‘yung expression sa mukha ng uod. I mean, wala naman talaga s’yang mukha. Di ko nga alam kung mukha n’ya ‘yung nakaharap sa ‘kin o pwet n’ya e. Para kasing wala namang pinag-iba. Pramis, di ako nagpapatawa. Nu’ng nagbago ‘yung itsura n’ya, inisip kong nainsulto s’ya sa tanong ko. Hihingi sana ako ng dispensa, pero pinigilan ko ‘yung sarili ko. May atraso pa kaya s’ya sa ‘ken.

“Sa puso mo,” mahinang tugon ng uod.

“Ha ha. Sow pani. Patawa ka. Pakikiliti nga ako.”

Lalo pang lumungkot ‘yung itsura ng uod. Tumahimik na ‘ko. Tinanggap ko na lang kung ano ‘yung sinabi n’ya. Naniwala na ‘kong sa puso ko nga s’ya nanggaling.

“Meron kang punyal sa puso,” sabi ng uod.

“Well, what’s new?” sabi ko.

“Gusto mo bang tanggalin ko?”

“Bakit mo naman gagawin ‘yon?”

“Antagal na kasing andu’n. Di ka pa ba nagsasawa sa sakit?”

“Hinde. Masokista ako e. Hinahanap-hanap ko ‘yung sakit. Saka ba’t ba pinapakealaman mo ‘yung mga nakatarak sa puso ko? Ano, naaabala ka, gano’n? Di ka makapamasyal nang malaya sa puso ko kasi andaming nakahambalang sa daanan mo?”

Nagdilim na naman ‘yung mukha ng mokong. Grabe lang. Napaka-emo ng uod na ‘to. Ganu’n ba talaga nagagawa kapag sa puso ka nananahan? Susme. Let go of the negativity nga. Di natin kailangan sa buhay ‘yan. Look who’s talking.

“Biro lang,” sabi ko sa uod.

“Gusto lang naman kitang tulungan,” malungkot na sabi ng uod. Nakayuko s’ya habang nagsasalita. Kung hindi lang siguro slimy ‘yung balat n’ya, iisipin kong naluluha pa s’ya habang kinakausap ako.

“Salamat. I appreciate your concern. Seryoso. Pero hayaan mo lang ‘yung punyal sa puso ko.”

“Bakit?”

“Bakit hindi?” Nakangiti ako. Hindi ‘yun peke. Hindi s’ya ‘yung ngiting ginagamit ko kapag gusto kong itago ‘yung lungkot na nararamdaman ko. I mean, malungkot ako, pero ‘yung ngiti ko e totoo naman. Galing sa puso. Natuwa kasi talaga ako sa concern ng uod na kaharap ko.

Lumapit ‘yung uod sa ‘kin, at napansin kong pinapaliit n’ya ‘yung katawan n’ya. Naghahanda na yatang bumalik sa katawan ko. Ayoko s’yang padaanin sa pwet ko pabalik sa puso ko dahil maghuhubad pa ‘ko ng brief at pantalon. Hassle. Ayoko rin sa tenga dahil, sabi nga n’ya, baka mabasag ‘yung eardrum ko. Mahihirapan akong kumanta sa tono. Lalong ayoko sa bibig dahil baka malasahan ko s’ya. Hinanda ko na lang ulit ‘yung ilong ko.

“Sige, babalik na ‘ko,” sabi ng uod.

“Okey,” sabi ko.

Nagsimula na s’yang gumapang sa braso ko, tapos sa dibdib ko, sa leeg at sa baba. Malapit na s’yang makapasok sa ilong ko nang naisipan kong kausapin s’ya sa huling pagkakataon.

“Uod,” antala ko sa kanya.

“Bakit?”

“Pasensya na sa punyal kung naabala ka. Hayaan mo, matatanggal din ‘yan nang kusa. Nafi-feel ko¬†malapit na ‘yon. Pero sa ngayon, d’yan muna s’ya. Me pinapaalala kasi s’ya sa ‘kin kapag nasasaktan ako nang paulit-ulit.”

“Sino naman ‘yon?”

“Hindi sino. Ano.”

Nagtitigan kami ni uod nang ilang segundo bago ako nagpatuloy.

“Pinapaalala n’yang buhay ako.”