Mahal ko,

by Sankage Steno

Kamusta na ba? Ako, eto, bumabyahe pa rin papunta sa ‘yo.

Alam kong naiinip ka na sa paghihintay sa ‘ken. Ako rin e. Quits lang. Pasensya na’t mukang naantala na naman ‘yung pagdating ko. Akala ko kasi ikaw na ‘yung andu’n sa kalyeng nilikuan ko. Kumanan ako ta’s kumaliwa, e dead end pala. Malay ko bang ala ka do’n? Sinusunod ko lang naman ‘yung compass sa puso ko. Kinakalawang na yata, pero gumagana pa naman. Mahahanap din kita.

Basta chill ka na lang muna d’yan. Kanta-kanta ka muna habang naghahanapan tayo. Pramis, ‘pag nagtagpo na tayo, magdu-duet agad tayo, ‘yung theme songs natin. Oo, theme songs. Marami talaga. Concert natin ‘to e. Di pwedeng isa lang. At ‘yung sayaw naten, don’t forget. Kapag natrapik ka, i-play mo lang lagi ‘yung choreography sa utak mo. Ganu’n din ginagawa ko e. Ta’s ‘pag may espasyo, sinasayaw ko kahit ako lang mag-isa. Ini-imagine ko na lang na ka-partner kita.

Medyo nakakalungkot nga lang.

Alam mo, kapag kumakanta ako at sumasayaw mag-isa, nai-imagine ko ‘yung blending ng boses naten, pati ‘yung synchronisation ng mga galaw naten. Naiisip ko pa lang, kinikilig na ‘ko. I swear! Sorry, medyo cheesy na. Sa ‘yo lang naman ako gan’to, pagbigyan mo na.

Pero alam mo, feeling ko ha, feeling ko lang talaga, kapag nagkita na tayo, mas maganda ‘yung pinagsamang kanta at sayaw natin kesa du’n sa nai-imagine ko. Mas tagos na kasi sa puso, kasi andu’n na tayo pareho. Hindi naman sa pangmamaliit sa imahinasyon ha, pero iba pa rin talaga ‘yung nararanasan mo na sa totoong buhay. Ibang-iba.

Hay. Kelan kaya natin mararanasan ang isa’t isa?

Papunta na sa ‘yo,
Sankage Steno