Kailangan ko ng kasama

by Sankage Steno

Feeling ko kasi di ko kakayanin mag-isa. Naiisip ko pa lang, naiiyak na ‘ko. Ansakit-sakit lang n’ya. I’m not just talking about yung makakasama ko sa buhay. I mean, given na ‘yon. Halos lahat naman yata ng tao sa mundo naghahanap ng kapareha. Iba yung sinasabi kong kasama.

Me pupuntahan kasi akong bundok sa isang linggo. Balak kong puntahan yung Tinglayan, du’n sa Kalinga. Matagal ko na kasing pinapangarap magpabatok kay Fang Od. Balita ko kasi 95 years old na s’ya. Baka di na kayanin ng mata n’ya yung pagtatato. Syempre gusto kong maranasan ‘yon before it’s too late. Parte kasi s’ya ng kultura at sining natin. Palalampasin ko na lang, gano’n?

Pero tinitignan ko pa lang yung mga picture sa Google saka yung mga nababasa kong blog, nanlelembot na yung mga buto at kalamnan ko. Parang di ko yata kaya (‘pag sa buhay ko’y wala ka). Kailangan ko ng makakapitan—yung literal na kakapitan ko habang pinupukpok yung balat at tinitintahan yung dugo ko. Putangina.

Dugo na naman.

Actually, dalawang beses na ‘kong nag-donate ng dugo. It’s part of my desensitization. Takot nga kasi ako sa dugo, ano ba! Ilang beses na rin naman akong nakuhanan ng dugo for physical exam. Pero aaminin ko, takot pa rin ako sa kanya. Tumapang na ‘ko, oo, pero nanghihina pa rin ako kapag nakakakita at nakakaamoy ng dugo. Bakit ba gano’n? Natural part naman s’ya ng katawan ko. Bakit sa tae hindi ako natatakot? O sa sipon? O sa tamod? Baket?

Anyway. Bago pa mapunta sa kung saan ‘tong sinusulat ko, gusto ko lang ipaalam sa inyo na, ayun nga, pupunta ako sa Kalinga para magpatato. Pero nagdadalawang-isip nga ako ngayon kasi parang di ko kayang ako lang mag-isa ang pupunta do’n. Baka himatayin ako kapag nakita ko na yung unang patak ng dugo. E sinong mag-uuwi sa ‘ken? Sinong sasampal sa ‘ken para gisingin ako? Kailangan ko talaga ng moral support.

Nagbabakasakali lang naman akong me isa sa inyong nagbabalak pumunta ro’n next week. Di mo naman kailangang magpabatok din. Kung ayaw mo, e di ‘wag. Samahan mo na lang ako, please. Hindi ko kayang mag-isa. Sawang-sawa na ‘ko sa pag-iisa! Kelan ka ba kasi dadating sa buhay ko? Inip na inip na ‘ko sa kakahintay. Naliligaw na ‘ko sa kakahanap sa ‘yo. Please naman, dumating ka na!

Pota. Napunta na nga sa kung saan. Ikaw kasi e.