Bad trip

by Sankage Steno

Wala nang sense ‘tong gagawin ko ngayon, pero bigla s’yang bumalik sa isip ko kaya isusulat ko na lang dito—pampalubag loob ba.

Last year (di ko na maalala ‘yung date pero before Christmas ‘to), pumunta ako sa Megamall. Basta me ginawa ako du’n na mahalaga. E bad trip ako nu’ng araw na ‘yon. Idagdag mo pa na gutom ako. Bad trip + gutom = wagnyokongkausapinkungayawnyongmasaktan.

Sabi ko sa ‘yo walang sense e.

Pumila ako sa isang stall du’n sa food court, du’n sa Bibimbob ata. Oo, dun nga. Habang nag-iintay ng order ko, naririnig ko sa likuran ko ‘yung isang batang nagta-tantrums. Hindi ko pinansin nu’ng una. Masyado akong bad trip para intindihin ‘yung pagka-bad trip ng iba. Kapag bad trip ako, ako lang ang me karapatang ma-bad trip. Gets mo? Ganu’n naman madalas, di ba?

E nu’ng makapagbayad na ‘ko, lalong lumala ‘yung pagkabwisit nu’ng bata. Nagwala. E natunggo ako. Umakyat bigla ‘yung dugo sa ulo ko… Nope. Di ko naman hinablot ‘yung bata at saka tinombstone piledriver s’ya. Di ko rin s’ya binigyan ng isang Stonecold Stunner.. People’s Elbow lang. Joke.

Napa-tsk lang ako. “Tsk!” Ganyan.

Sasabog na sana ako at papagalitan ‘yung bata. E nakita ko ‘yung kasama. Kasama ng batang nagbubwisit ‘yung lola n’ya. Napatingin sa ‘kin ‘yung lola na sobrang apologetic. Umiwas ako ng tingin at nagpatay-malisya. Nalusaw ‘yung puso ko bigla. Weakness ko kasi ‘yung mga ina, ‘yung mga lola. Naalala ko ‘yung lola kong nagpalaki sa ‘ken at ‘yung isa ko pang lolang sobrang ini-spoil ako kahit malaki na ‘ko.

In short, sobrang na-guilty ako. Kahit nga ngayon nagi-guilty pa rin ako kapag naaalala kong napapalatak ako sa inis dahil sa ginawa ng bata. Bumabalik sa ‘kin ‘yung mukha ng lolang humihingi ng dispensa. Ako nga dapat humingi ng pasensya kasi andaling napatid ng pasensya ko. Sorry naman. Bad trip nga e.

Pramis, ‘pag sunod na na-bad trip ako, mas kokontrolin ko na ‘yung sarili ko. Magmumura na lang ako sa isip at pipiliting ‘wag lumabas ‘yun sa bibig ko. Bad ba? E kesa naman magyosi ako.