Agnes

by Sankage Steno

Kakagaling ko lang sa party kanina; mga 5AM na ‘ko nakauwi. Birthday kasi ng tatlong kaibigan ko, so sabay-sabay silang nag-celebrate. Simpleng kasiyahan lang naman: Nag-videoke kami sa may Timog, tapos lipat sa isang bar para mag-kwentuhan at mag-beer pong, ta’s kain ng agahan sa malapit na tapsihan. After no’n uwian na, ‘yung pinakamahirap na part lagi sa lahat ng lakad.

#SepAnx

Pagdating sa bahay, naghanda na ‘kong matulog: Nagbihis ng pambahay, naghilamos, nagsulat sa journal at saka nahiga. Wala pang isang minuto akong nakahiga, nagpakita na agad si Agnes.

Kung naaalala n’yo sa isa kong blog a few days ago, naisulat ko na ang tungkol kay Agnes. S’ya ‘yung batang walang mukha na nagpapakita dito sa apartment namin tuwing umaga bago sumikat ang araw. Pinangalanan na namin s’ya. ‘Yung kaibigan kong unang nakakita sa kanya ang nag-decide ng name. Maganda naman, pang-Forevermore.

Sabi nila, kapag daw pinangalanan mo ‘yung multo o kahit anong entity na nagpapakita sa bahay n’yo o kung sa’n ka man naroroon, nagiging permanent part na raw s’ya ng bahay o gusali na ‘yon. Para s’yang invitation sa entity na ‘yon para du’n na mamalagi for good. Creepy ‘yung thought, pero wala na kaming magagawa. Napangalanan na namin ‘yung faceless kid sa bahay.

Nu’ng kaharap ko na si Agnes kanina, ang weird kasi hindi ako natakot. Kalmado lang ako, parang ‘yung pakiramdam pagkatapos mong mag-ano. At ang mas weird pa, nagkausap kami. I mean, walang bibig si Agnes, faceless nga e, pero naririnig ko sa isip ko ‘yung boses n’ya. Muka s’yang bata pero ‘yung boses n’ya e parang nasa edad 18 pataas na. Buong-buo. At eto pa, di ko ma-distinguish sa boses n’ya kung pambabae ba s’ya o panlalake.

Androgynous ba.

Medyo nahiwagahan lang ako sa naging pag-uusap namin. Hindi ko pwedeng i-share lahat ng napag-usapan namin. ‘Wag ko raw ipaalam agad-agad. Sabihin ko na lang daw kapag nangyari na o kapag nasigurado ko na. Okey, fine. Pero may ibabahagi pa rin ako kahit konti. Kumbaga sa tuition fee, ito ‘yung miscellaneous. O kung sa meeting, ito ‘yung other agenda.

Agnes: Kapag nagpatuloy pa iyan, lalabas na ang kapareha mo.

Sankage: Anong ibig mong sabihing ‘lalabas na ang kapareha ko’? Parang doppelganger gano’n?

Agnes: Tama ka.

Sankage: Bakit naman ako magkaka-doppelganger?

Agnes: Kayong mga tao, ano man ang inyong pagdaanan, lumilitaw iyon sa inyong kaluluwa. Kapag ang kaluluwa ay malapit na sa sukdulan ng pagdamdam, bago pa man ito makarating doon, magpapakita na siya.

Sankage: Okey. Parang anlabo.

Agnes: Tuwing kailan mo ba ako nakikita?

Sankage: Tuwing umaga.

Agnes: Mali ka. Nakikita mo ako bago ang umaga, sa pagitan ng dilim at liwanag. Doon mo ako nakikita dahil doon ako nananahan. Katulad din ng kaluluwa ng tao. Makikita mo lamang ito sa pagitan ng dilim at liwanag. Kapag nawala ang balanse, lumalabas ito, nagpapakita. Malapit ka nang mawala sa balanse.

Sankage: Parang nage-gets ko na. So anong dapat kong gawin?

Agnes: Gaya ng ginagawa ng lahat sa mundong ito.

Sankage: Ano nga ‘yon? Sobrang pa-mysterious naman e.

Agnes: Hintayin mo ang umaga.