Paano ba mag-ampon?

by Sankage Steno

At saka magkano ang magagastos? Meron kasi akong gustong ampunin o ipaampon (kung sakali mang hindi ako qualified). Kamag-anak ko s’ya. Di ko na lang ibibigay ‘yung mga detalye kasi menor de edad saka ayokong nilalagay ‘yung buhay ng ibang tao rito sa blog ko. Buhay ko lang dapat, ganyan.

Wala na kasing magulang ‘yung sinasabi kong batang kamag-anak at gusto ko sanang bigyan s’ya ng legal protection. Inaalagaan naman kasi s’ya nang mabuti sa amin. Ang iniisip ko lang, baka pagtanda n’ya, mahirapan s’ya sa mga papeles at sa mga requirements sa buhay-buhay dahil wala s’yang “apelyido.” Ayoko namang danasin n’ya ‘yon. Ang hirap-hirap na ngang maglakad ng mga dokumento sa mga government agency, idadagdag mo pa ‘yung problema mo sa “identity” mo.

Aba matinde.

At dahil Adoption Consciousness Week naman ngayon, I think it’s the perfect time to ask these questions.

Tinignan ko ‘yung page ng DSWD tungkol sa pag-aampon, pero wala akong nakuha. I mean, naintindihan ko naman s’ya, pero ang hirap n’yang intindihin. Parang lawyer ‘yung nagsulat na walang puso o walang pakialam sa mga taong may kagustuhang mag-ampon talaga. English kasi. Again, naintindihan ko, pero lalong dumami ‘yung tanong ko.

Hindi rin n’ya pinaliwanag ‘yung procedure. Parang nag-lecture lang s’ya, kinausap ‘yung blackboard, tapos hinayaan na lang ‘yung mga estudyante mag-self study. Typical prof sa Pinas.

Anyway, gusto ko ngang malaman ‘yung step-by-step procedure sa pag-aampon. Kung magtatanong ako sa abogado, baka consultation pa lang, mamulubi na ‘ko. Meron bang free consultation d’yan? Baka magtanong na lang ako sa mga nakatrabaho kong abogado dati. Friends naman kami sa FB. That’s a start.

Saka sinu-sino ba ang pwedeng mag-ampon? Couple lang ba? ‘Yung married? Pwede bang kahit mag-jowa pa lang? Pwede ba ‘yung mag-jowang same sex? E kung single pa rin katulad ko? Pwede ba ‘kong mag-ampon kahit wala akong kasama o ka-partner?

At saan ako magsisimula? Wala talaga akong alam. ‘Yung mga nagu-Google ko, kulang-kulang ‘yung impormasyon. Para tuloy sinasabi sa ‘king, ” ‘Wag ka nang mag-abala. Itigil mo na ‘yang kahibangan mo. Ba’t ka pa mag-aampon e inaalagaan n’yo na naman ‘yung bata? Mahal n’yo naman, di ba? Sapat na ‘yon.”

No, di s’ya sapat. Sa mundong ito, maraming epal at kagaguhan. Mas okey pa rin kung magiging legally adopted ‘yung batang sinasabi ko.

At saka ga’no nga pala katagal ‘yung proseso? Aabutin ba ng taon? I think so. Feeling ko kung aabutin ng ilang buwan o ilang taon, libu-libo ang magagastos ko kung sakali. Nakakapanghina ng loob, pero gusto ko pa rin s’yang ituloy. Kung di man ako ‘yung makapag-ampon, kahit man lang ‘yung iba kong kamag-anak na qualified.

Ako na lang ‘yung sasagot sa gastos if ever.