Neon Genesis

by Sankage Steno

Patapos na ‘yung lunch break namin nang mapunta ‘yung usapan sa Garden of Eden. Sabi ng isa kong kaibigan, ahas daw ang unang hayop na nabanggit sa bibliya. Sa loob-loob ko, di ba tao? Anyway, di naman ‘yon ang mahalaga. Mas malaman ‘yung mga sumunod na balitaktakan.

Di naman daw apple talaga ‘yung prutas na kinagat ni Eba. Hindi nga. Mga westerner lang naman ang pumili ng mansanas. Kung ako masusunod, gagawin kong duhat ‘yon o balimbing. Pero ang totoo n’yan, sa pagkakaalala ko from my catholic days, dalawa talaga ‘yung punong may pinagbabawal na bunga sa gitna ng hardin:

‘Yung fruit of knowledge at ‘yung fruit of everlasting life.

Pinili ni Ebang kagatin ‘yung fruit of the knowledge of good and evil. Kung sana e ‘yung isang bunga ang kinain n’ya, e di sana imortal tayo ngayon. E hinde, mas pinili n’yang kainin ‘yung magbibigay ng karunungan. Ayan tuloy, matalino nga ang tao, namamatay naman. But I’m not blaming Eve. No! Wala s’yang kasalanan. Lalong hindi rin kasalanan ng serpent ‘yon.

Kasalanan ‘tong lahat ng diyos.

Sinong tanga ba naman kasi ang maglalagay ng pinagbabawal na puno at bunga sa hardin n’ya? Tapos ie-expect n’yang ‘yung ilalagay n’yang tao du’n, hindi maku-curious? Hindi ita-try ‘yung bungang nakakatakam at may powers pa? I mean, feeling ko naman sinunod nina Eba’t Adan na hindi kainin ‘yung pinagbabawal na bunga. But at one point in their existence sa garden na ‘yon, darating ang panahong titikman at titikman nila ‘yon.

Baka nga milyong taon nang nagtitiis ‘yung dalawang tao na hindi kainin ‘yung forbidden fruit, tapos ang na-highlight lang sa bibliya e ‘yung mismong araw na sumuway sila. Posible ‘yon, di ba? Given na totoo nga ‘yung kwento. Wala naman tayong proof na may Garden of Eden talaga. Kwento lang s’ya, parang ‘yung mga sinusulat ko rito kung minsan.

Imagine? Ang tagal mong sinunod ang diyos na hindi kainin ‘yung bunga. Ilang taon kang nagtiis? Tapos nu’ng kumagat ka, katiting lang, nasira na ang lahat? Pinatapon ka na at hinayaang maghirap at mamatay? Anong klaseng diyos ‘yan? Di ba n’ya alam ang Murphy’s Law?

If anything can go wrong, it will.

Siguro sinadya talaga ng diyos na ilagay ‘yung bawal na bunga do’n dahil alam n’yang susuwayin s’ya ng tao. Plinano n’ya talagang magkamali sina Eba at Adan. S’ya din ang lumikha at naglagay ng ahas du’n e. Planado talaga ang lahat. Pinaglalaruan lang tayo ng diyos (kung totoo man s’ya).

Oh well, papel. Hindi naman ako galit sa diyos. Curious lang. Just thinking of the many possibilities. Andami kasing naloloko sa mga kwento sa bibliya at kung anu-ano pang libro. Di ko naman sila masisisi. Kahit naman ako naiimpluwensyahan ng mga binabasa ko. Ayoko lang ‘yung idea na iisipin mong ikaw lang ang tama and the rest is wrong o naliligaw ng landas. Ang masama pa neto, ‘yung mga extremist, papatay talaga dahil sa kanilang paniniwala.

Good job, god. Ikaw ang puno’t dulo ng kaguluhan sa mundo. But I’m not mad at you. Diyos ka e. Sino ba naman ako? Sankage lang ako.