Birdy

by Sankage Steno

Pinasyal ko ‘yung aso namin kanina, tapos habang naglilibot kami sa loob ng subdivision, napadpad kami du’n sa may talahiban, malapit sa bukid. Pagtingin ko sa malayo, nakita ko ‘yung sangkatutak na ibong nagliliparan. Sa loob-loob ko, “Walang ganito sa Makati.”

Inisip ko rin kung meron bang nagpapalipad ng mga kalapati malapit sa amin. Pero nu’ng tinignan kong mabuti ‘yung mga ibon, hindi sila kalapati. Iba-ibang species. Parang kingfisher sa malayo, pero wala namang ilog na malapit sa amin. Merong patubig ng NIA. Hindi ako talaga sure sa species n’ya e. Di naman kasi tinuturo sa school ‘yung pangalan ng mga ibon (pati mga halaman at punong makikita sa bansa).

So ‘yun nga, ‘yung isang species parang kingfisher, tapos ‘yung isa, ‘yung buntot n’ya e dalawang patulis. Mas maliit s’ya kesa du’n sa isang klase, tapos matingkad na brown ang kulay. Hindi brown na katulad ng maya, although me maya din sa paligid kanina. I’m not sure kung anong ginagawa nu’ng mga ibon na ‘yon sa amin at paikot-ikot lang sila du’n. Baka naghahanda na ulit sa migration nila papunta sa mas malamig na lugar.

Kung tama ang hula ko, isa lang ibig sabihin no’n… summer na!

Wala lang. Natuwa lang akong makakita ng maraming ibon na nagliliparan sa himpapawid. Kahit nga nu’ng nag-aaral ako sa UP, hindi ako nakakita ng kumpol ng mga ibong nagliliparan do’n, although maraming species ng birds ang makikita sa loob ng campus. Sayang lang at hindi ako nakakasali sa birdwatching activities du’n. Balang araw.

Wait. Kung nag-aabang ka ng pa-deep na meaning sa sinusulat kong ‘to, don’t. Gusto ko lang talagang sabihing nakakita ulit ako ng maraming ibong lumilipad. Luxury na kasi sa ‘kin ‘yon kasi nga ang dalas ko sa Metro Manila. Natuwa lang ako. Gusto ko lang i-share ‘yung tuwa ko, albeit futile. Hindi naman kasi ikaw ‘yung naka-experience. Ako. Sinubukan kong picturan para maipakita sa ‘yo, e kaso ang liit ng register sa photo. Tignan mo na rin kung gusto mo.

Eto o:

Birdy

At dahil na-inspire ako ng mga ibon kanina, lulubus-lubusin ko na. Maglalaro na kami ng birdy ko.

Sige, bye.