Ang intense, grabe

by Sankage Steno

Matinde ‘yung inuman at videoke session namin kagabi, pramis. Kasama ko ‘yung mga bago kong kaibigan na hindi ko katrabaho at hindi ko rin mga kaklase dati. Basta kaibigan ko sila, period. Sa Makati kami gumimik, pero hindi du’n sa red light district. Malapit lang.

Alam mo ba? 4am na kami natapos. At sa sobrang intense nu’ng happening kagabi, hanggang ngayon di pa rin ako naliligo. Ayoko kasing mawala sa katawan ko ‘yung amoy nu’ng mga naganap. Kadiri ko ‘no? Nilalangaw na nga ako ngayon dito sa may veranda namin habang sinusulat ‘to e. Pero paninindigan ko na ‘yung hindi paliligo. Bukas na lang bago pumasok.

Isa sa mga highlight nu’ng nangyari kagabi e ‘yung pustahan namin. Unahang makaubos ng isang basong beer, tapos ‘yung mahuhuli, kakanta. E dahil mahilig naman talaga akong kumanta, dinagdagan ko ‘yung bet ko para fair. Sabi ko, may kasamang sayaw ‘yung akin. Kasado na.

Ayun, napasubo. Puta.

Pero game naman ako. Imagine? Kumakanta ako ng Stay ni Lisa Loeb habang nagse-sexy dance sa buong room. Sinayawan ko ‘yung mga kainuman ko para lalong awkward ‘yung moment. Alam mo kasi, kapag nasa gitna ka ng isang awkward situation at di ka na makawala, itodo mo na. Charge to experience na lang.

Maliban sa kahihiyang ginawa ko, syempre nag-enjoy din ako sa asaran at tablahan ng mga bago kong kaibigan. Syempre, bagong kakilala, di ko pa alam kung hanggang saan ‘yung sense of humor nila, kung meron man. So kagabi, nagka-idea ako. In fairness, benta sa ‘kin. Andami ko kayang tawa. Mga 45.

But wait, there’s more. Hindi naman talaga ‘yung pagsasayaw ko o ‘yung asaran namin kagabi ‘yung pinakatumatak o tatatak sa isip ko. Me nangyari pa bago kami maghiwa-hiwalay.

‘Yung isa naming kasama, nagbigay ng “testimonial” du’n sa may pa-event. Despedida n’ya kasi ‘yung happening. Hindi ko na lang idedetalye ‘yung mga nangyari at ‘yung mga nasabi kasi personal na masyado. Saka sa amin na lang ‘yon, pero sobrang natuwa ako.

Siguro dala na rin ng kalasingan kaya n’ya nagawa o nasabi ‘yon, pero di ba nga, ang alak ay “truth serum”? Kapag nalalasing ka, nagkakalakas ka ng loob na sabihin ‘yung totoo mong naiisip at nararamdaman? So, ayun, bumuhos ng katotohanan kagabi. Wholesome naman ito, don’t worry.

Basta dahil sa mga nangyaring ‘yon, lalo akong na-convince sa sarili ko na hindi nga ako nagkamali sa pakikipagkaibigan sa mga taong ito na hindi ko naman katrabaho o kaklase noon. Hindi ko talaga sila kaanu-ano. Kapag nga ina-add ko sila sa Facebook, wala kaming common friends. Seryoso. Wala kaming alam sa past ng isa’t isa.

Hindi ko na ‘to nasabi kagabi sa kanila dahil kinapos ng oras kaya dito na lang para mas permanent. Kahit saglit pa lang kaming nagkakilala at kahit nararamdaman kong magkakahiwa-hiwalay din kami agad-agad dahil sa setup namin, sobrang nagpapasalamat ako at naging kaibigan ko sila.