Sa mundo ng mga feelings

by Sankage Steno

“Nagising na lang ako isang umaga, wala na ‘yung feelings ko sa kanya,” sabi ko sa kaibigan kong multo. “Naka-move on na pala ako.”

Hindi umimik ‘yung multo. Nanatili lang s’yang nakatayo sa likuran ko at nakatitig sa ‘kin. Nakakatawa. Wala naman kasi s’yang mukha, pero alam kong kanina pa s’ya nakatingin sa direksyon ko.

“Sa’n na napunta ‘yung feelings ko sa ex ko?”

Dedma pa rin.

Sinubukan kong harapin ‘yung multong nasa likod ko, pero paglingon ko sa kanya, wala na s’ya. Naglahong parang bula. Very stereotypical. Hindi naman n’ya ako maloloko. Alam kong lagi lang s’yang nariyan at binabantayan ako.

One time, pagkagising ko ng madaling araw, nakita ko s’ya sa may paanan ko. Buong gabi yata n’ya akong pinanood matulog. At nu’ng magising ako, saka naman s’ya biglang umalis. Pang-asar lang. Di mo alam kung nananakot ba o nagbabantay talaga. Or both.

Minsan naman, sumakay ako ng taxi pauwi galing sa isang inuman. Alas-dos na noon ng madaling-araw. Pagkahatid sa ‘kin ng driver sa inuupahan kong apartment, tinanong n’ya ako bigla bago ko pa man maiabot ‘yung bayad ko sa kanya, “Nasaan na, ser, ‘yung kasama n’yo?”

“Sinong kasama?” tanong ko rin sa kanya.

“‘Yung babae ho. Di ba dalawa kayong sumakay kanina? Nagtataka nga ako kasi antahimik n’yo buong byahe.”

“Manong, ako lang ho ‘yung pasahero n’yo.”

Natahimik bigla ‘yung kausap ko. Nakita kong nahaluan ng takot ‘yung pagtataka sa mukha n’ya. Gusto ko sanang sabihin sa kanya ‘yung tungkol sa kaibigan kong multo, pero ayoko namang bumiyahe s’ya na may dalang takot. Baka kung mapa’no pa s’ya. Mahirap na.

“Manong, baka puyat lang ‘yan,” sabi ko. “Gusto n’yo po bang magkape muna sa amin?”

“Ay, di na po, ser. Nakakahiya naman po.”

“Sigurado po kayo?”

“Opo, ser. Salamat na lang po.”

Nagbayad na ‘ko at hindi na hiningi pa ‘yung sukli kong bente. “Sa inyo na po ‘yung sukli, manong. Pangkape n’yo.”

“Ay, salamat po, ser. Malaking tulong po ‘to.”

Marami pang beses na nagpakita ‘yung kaibigan kong multo sa ibang tao. Madalas e pinagkikibit-balikat ko na lang ‘yung mga kwento o komento nila. Ayoko na kasing palakihin pa. Wala rin namang silbi kung malaman nilang may multo talaga akong kasa-kasama. Hindi naman namin ikayayaman ‘yon pareho.

Lumabas ako ng kwarto para mag-almusal. Pagdating ko sa kusina, nakita kong may nakahanda nang pritong itlog, dalawang hiwa ng Ma Ling, isang mangkok ng mainit na kanin at isang baso ng malamig na orange juice.

“Sinong naghanda nito?” sabi ko sa sarili ko.

“Ako.”

Paglingon ko sa pinanggalingan ng boses, nakita ko ‘yung kaibigan kong multo. Wala pa rin s’yang mukha, pero alam kong siya ‘yung nagsalita. Ang weird lang din, pero parang napansin kong nakangiti s’ya sa akin. Nginitian ko rin s’ya pabalik.

“Salamat. Gusto mo ba ‘kong sabayan?”

Umiling s’ya.

Oo nga naman. Multo s’ya. Hindi na n’ya kailangan pang kumain. Pero pa’no ba sila nabubuhay? I mean, pa’no sila patuloy na umiiral kung hindi sila kumakain o umiinom? Saan sila kumukuha ng lakas, ng enerhiya, para patuloy na umiral dito sa mundo?

“Sa mga feelings.”

Natigilan ako sa pagsubo ng kanin. “Ano ‘yon?”

“Sabi ko, sa mga feelings.”

“Anong feelings?” Nakutuban na ‘ko sa ibig n’yang sabihin, pero ginusto kong sa kanya pa rin manggaling ‘yung inaakala kong sagot n’ya sa tanong ko sa isip.

“Patuloy kaming nabubuhay dito sa mundo dahil sa mga feelings na naiiwan n’yong mga tao sa tuwing makakapag-move on kayo.”

Iyon na ang pinakamahabang sinabi n’ya sa tagal ng aming pagsasama. At bakit ngayon pa n’ya naisipang kausapin ako? Bakit nagpapakita na s’ya sa ‘kin nang harapan? Ito na rin yata ang pinakamatagal na paghaharap namin. Ang weird lang talaga. Parang may malaking bagay na paparating.

“Ganu’n pala. So sa ‘yo napunta ‘yung feelings ko sa ex ko na bigla na lang naglaho? Tama ba ‘ko?”

“Hindi. Ibang feelings ang bumuo at bumubuhay sa akin.”

Sinubukan kong isipin kung sinong tao ‘yung umibig, nasaktan at naka-move on. Siguro isa rin s’yang babae na kasingtangkad at kasinghubog ng multong kausap ko ngayon. Kung tama ‘yung hula ko, baka kawangis ko rin ‘yung multong kumuha ng feelings ko.

“E nasaan na ‘yung multong kumuha ng feelings ko?” tanong ko.

“Hindi kinuha,” sabi n’ya. May diin ang boses n’ya nang itama ako. “Binuo.”

“Fine. Binuo. Nasa’n na ‘yung multong nabuo dahil sa nakalimutan kong feelings?”

“Ang dami mong tanong. Tapusin mo na ‘yang almusal mo at may pupuntahan tayo.”

“Saan naman?”

“Sa mundo ng mga feelings.”