Dalaga sa Gabi

by Sankage Steno

Amoy dama de noche ‘yung mga kamay ko. Feeling ko me tanim na gano’ng halaman sa nilipatan kong bahay. Ang weird lang kasi di naman ako naglalalabas du’n masyado. Sa kwarto lang ako madalas o sa sala.

Kaninang madaling-araw naman, nu’ng lumuwas ako, naamoy ko na rin ‘yung dama de noche sa may kalsada papunta du’n sa bago kong inuupahang kwarto. Naamoy ko s’ya malapit sa paaralan, pero di ko naman din hinawakan. Basta alam ko lang ‘yung amoy n’ya. Ikaw ba alam mo?

Amoy Mahal na Araw s’ya kasi madalas gamitin ‘yung bulaklak na ‘yon sa mga poon o imahe ng santo. Mabango s’ya pero matapang, parang ihi, ganyan. Minsan ginagamit din s’ya na bulaklak sa patay. Baka patay na ‘ko di ko lang alam. Taragis ‘yan. Di ko man lang nasulit ‘yung buhay ko.

Anyway, at least nakakapagsulat pa rin ako kahit patay na ‘ko. Thank goodness.

So nagbasa-basa ako tungkol sa dama de noche. Meron pala s’yang alamat. At gaya ng iba pang alamat, hindi s’ya happy ending. Tragic. Puta.

Paiikliin ko na lang ‘yung kwento.

Merong isang magandang dalaga na ang pangalan ay Mayuri. Anak s’ya ng sultan. So alam mo na ‘yung takbo ng kwento, di ba? Umpisa pa lang me idea ka na.

Na-in love si Mayuri sa kanilang hardinerong si Ramen. Astig ng pangalan, ‘no? Parang noodles lang ng Japan, pero Pinoy s’ya. Taga-Mindanao siguro. Ang ginagawa ng dalawang magsing-irog, tuwing gabi lang sila nagkikita sa hardin at patagong nagniniig. Or nagse-sex.

Nagtaka ngayon ‘yung sultan kasi blooming ‘yung anak n’ya at laging masaya. Nag-imbestiga s’ya ngayon hanggang sa nahuli n’yang naglalampungan ‘yung dalawa sa may hardin tuwing gabi. Ang ginawa n’ya, pinatapon n’ya sa ilog na maraming buwaya si Ramen.

Ayun, lungkut-lungkutan si ateng. Nagdasal s’ya kay Allah na kung pwede ay kunin na rin s’ya dahil wala na rin naman ‘yung taong mahal n’ya. At dahil mapagbigay si Allah, poof! Wish granted. Nawala si Mayuri at naging isang halamang namumulaklak na parang mga luha ang hugis.

Ang catch, sa gabi lang ito namumukadkad at naglalabas ng halimuyak. Taray! Ayun, tinawag s’yang dama de noche o “dalaga sa gabi.”

Alam ko marami kang masasabi tungkol du’n sa sultan, na kesyo masama s’ya at mapangmata. What’s new? Marami ka ring masasabi kay Mayuri at Ramen. Gaya-gaya lang kina Romeo at Juliet ‘yung love story. Almost. Well, what’s new? Ganu’n talaga ang buhay. Walang forever.

Ang emo rin pala ng mga tao noon, ‘no? Gagawa lang ng alamat, tragic pa. At ito lang yata ‘yung alamat na wala akong napulot na aral sa huli. Buti pa ‘yung alamat ng pinya, at least merong moral lesson. E eto? Pakisabi nga sa ‘kin. Ayoko na kasing mag-isip.

Ayaw pa rin kasing matanggal ng amoy ng dama de noche sa kamay ko. Nilagyan ko na nga ng alcohol e. Andu’n pa rin. Kung di ako patay, siguro merong patay na nakahawak sa mga kamay ko buong araw. Di ko lang nakikita kasi sarado third eye ko.

Baka white lady. Kakaibiganin ko s’ya. Tapos gagawin ko s’yang bida sa isa sa mga kwento ko.