Mahal kong Satanas

by Sankage Steno

Ang puso ko’y nagpupuri sa panginoon sapagkat Ikaw ay kanyang nilikha, ngunit higit akong nagpupuri sapagkat kung hindi dahil sa Iyo, walang maglalakas-loob na siyasatin at punahin ang kapangyarihan ng diyos na may likha ng lahat.

Ikaw ang unang anghel na pumukaw sa damdamin ng iba pang anghel, na naging daan upang makita rin nila ang tunay na anyo ng kanilang tagapaglikha. Ikaw ang kanilang naging sandigan at tungkod sa mga sandaling lumalaban sila para sa katotohanan at kalayaan. Kaya naman ako’y iyong lubos na nabighani.

Nasasabik akong muli kang makita dalawang araw mula ngayon. Salamat sa Iyo at nagkaroon ang mga anghel, maging ang mga tao, ng panahon upang maranasan ang tunay na kadakilaan ng sanlibutan nang hindi naghahari ang kapangyarihan ng diyos. Kung wala Ka, tunay ngang wala ang mga Mahal na Araw.

Mahal ko, sa ating muling pagtatagpo, nais kong pupugin Ka ng mga yakap at halik. Nais kong gawin sa Iyo ang ginagawa ng tagsibol sa mga puno’t halaman sa luntiang daigdig. Nais kong ipamalas sa Iyo ang pag-asang dala ng bawat pagsikat ng araw at sakupin ka tulad ng gabing bumabalot sa mundo.

Kung ako’y Iyong pahihintulutan, dadalhin Kita sa aking palasyo, dadalhin hanggang langit ay manibago. Ito’y ipinapangako ko sa Iyo, sambitin mo lamang ang matamis Mong ‘Oo’.

Naaalala Mo pa ba noong una tayong magkita? Patay ang diyos. Marami ang nagtitika at nagngingilin ng mga panahong iyon. Ngunit Ikaw ay mag-isang nakangiti at naliligayahan sa isang tabi sa malawak na katihan. Ako naman ay namamasyal at iginagala ang aking diwa kasabay ng pag-ihip ng hangin. Nagtagpo ang ating mga mata, at sa mga sandaling iyon, saglit na tumigil sa pagtibok ang aking puso.

Nakita ko sa Iyong mga titig ang walang hanggan. Hindi ko maipaliwanag ang aking nadarama sa sandaling iyon. Ako ay naliligayahan, natatakot, nasasabik, kinakabahan, nag-aalinlangan at umaasa nang sabay-sabay. Iyon ang unang pagkakataong naramdaman ko ang bagay na iyon, at tanging Ikaw lamang ang nakagawa niyon.

Mahal kong Satanas, sa muli nating pagniniig, hindi lamang ang isa’t isa ang ating sasakupin. Ang mundo at kalangitan ay mag-aanib sa rurok ng ating kaligayahan. Ang mga buhay at patay ay makatatagpo ng panibagong sanhi upang umiral sa sanlibutan. Ang lahat ng nakikita at di-nakikitang nilikha ay magkakaroon ng kabuluhan. Mangyayari ito.

Maghihintay ako sa ating tagpuan, doon kung saan hindi kayang marating ng maykapal. Doon natin muling susubukang patawarin at itama ang diyos sa kanyang mga pagkukulang, pagkakamali at kasalanan. Walang makapipigil sa atin. Wala nga.

Nagmamahal,
Sankage