Pinakamahabang Prusisyon

by Sankage Steno

Naiwan kami ng aso kagabi sa bahay habang ‘yung mga kamag-anak ko e nagsipuntahan lahat sa bayan para manood ng pinakamahabang prusisyon sa buong universe. First time kong hindi nanood o umilaw. Nakakapanibago, pero mas marami akong napagmuni-munihan, sa totoo lang.

Una, naisip ko, lalong dumarami ‘yung mga poong ipinuprusisyon dito sa amin. Ibig sabihin, dumarami ang mayayaman. Aba, e magkano ba ang isang poon? I’m sure hindi bababa sa 10k ‘yan. E ‘yung damit pa na pagkagarbo-garbo? Hindi rin bababa sa 10k. Isama mo pa ‘yung mga alahas, Swarovsky crystals at mga mamahaling batong nakakabit sa mga poon? Mahina ang 10k.

Nakakatawa lang. Ganu’n ba manamit sina Jesus, Mama Mary, Magdalena, Veronica, et al noong unang panahon? Dapat makikinang ‘yung suot at dapat may mga ginintuang korona at kung anu-anong mamahaling bato ang nakakabit sa katawan? E napakaburgis naman pala ng mga santo at santa natin, hano. Yamanechi.

But wait, there’s more! ‘Yun pang karo na paglalagyan ng mga poon. Magkano ba pagawa no’n? Nasa 100k ba ‘yon? Sigurado akong hindi s’ya kakayanin ng buwanang sweldo ko. Anlalaki kaya nila, malaki pa sa tinutuluyan kong apartment sa Maynila. Kainis.

Eto pa, wait ka lang. Madalas hindi lang isang poon ang laman ng karo. ‘Yung mga mayayaman talaga dito sa amin, mahina ‘yung dalawa o tatlong imahe sa isang karo. At madalas pa, hindi lang isang karo ang meron sila. Ang tindi, di ba?

Hindi pa d’yan natatapos ang gastos, my fellow sinner. Kapag nilalakad ‘yung poon tuwing mahal na araw, syempre dapat may pakandila ka, may pakain para sa mga iilaw. Bukod pa d’yan, dapat may generator ka para ilawan ‘yung karo mo. ‘Yung iba meron pang pa-shirt at pamaypay para sa kanilang poon. Andaming gastos, di ba?

So kung susumahin natin lahat ng ginagastos ng isang may-ari ng poon, feeling ko mahinang investment ang P100,000. I know umaabot ng milyones ‘yung sa karo ng ibang poon d’yan. At kung taun-taon mo pa ‘tong ginagawa, aba matinde!

At ano naman ang napapala ng mga tao sa paggastos ng ganitong kalaki? Um, mapupunta sila sa langit. Sure na po ‘yan.

Pangalawa, naisip ko, ilang puno kaya ang pinutol, ilang bundok ang tinibag at ilang hayop ang hinuli’t pinatay para makagawa ng mga ganito kagagarbong poon at karosa ng mga imahe? E di ba nga may napabalita noong mga paring kinasuhan dahil sa poaching? Ilang elepante na ba ang pinatay para makuha lang ‘yung ivory tusk nila at makagawa ng mga imahe ng santo?

Ngayon, kung imu-multiply natin ‘yung 112 na karo dito sa amin, my goodness, ga’no kalaki na kaya ‘yung nasira sa natural resources ng bansa para lang makagawa ng ganitong mga idols? Buti sana kung natatapos na sa pagputol ng puno, pagtibag ng bundok at pagpatay sa mga hayop ang lahat ng ito. E hinde. Syempre kailangan mo pang gumamit ng dinosaur juice (aka fossil fuel, aka gasolina) para ilawan at patakbuhin ‘yung mga mamahaling poon. Dagdag polusyon pa. Hello, Global Warming? Hi, Climate Change.

Ang gastos din palang manampalataya, ‘no?

Magkano ba talaga ang presyo ng kaligtasan ng tao?

Pero hindi ako magmamalinis. Simula kabataan ko, inaamin ko, naging parte ako ng tradisyong ito. Lagi kaya akong umiilaw sa prusisyon, lalo na nu’ng may relihiyon pa ako. Kasama ako sa mga sumamba sa mga idols na ito, at kasama rin ako sa mga makasalanang sumuporta sa ganitong kagawian. And would you believe, kasama rin ako sa mga nangarap noon na magkaroon ng sariling karo ng poon dito sa amin. Status symbol kaya ‘yon.

Kapag may karo ka ng poon, alta ka na. Elitista. Burgis.

Pangatlo, naisip ko, ang galing talaga ng simbahan natin, ‘no? Alam kong hindi nila tungkuling pag-aralin ‘yung mga bata o pakainin ‘yung mga nagugutom, pero pa’no kung hinikayat na lang nila ‘yung mga may-ari ng poong gamitin ‘yung pera sa mga works of mercy na tinuturo ng mga pari kapag nagmimisa? Mas marami sanang natulungan.

I know, tungkulin ng gobyerno ‘yon. Alam ko rin na pribadong mga tao ‘yung may-ari ng mga poong ito kaya wala dapat akong pakialam sa kung pa’no nila ginagasta ‘yung perang pinaghirapan nilang makuha. E bakit nakikisawsaw sa pulitika madalas ‘yung mga pari at obispo? Ano ba talaga ang silbi nila? At bakit lalong yumayaman ‘yung mayayaman sa bansa habang ‘yung mga mahihirap e lalong dumarami? There must be something in the water.

But who am I to judge, di ba? Ang linis ko pala.

Siguro, ang thinking nila, kapag hindi sila nakapagprusisyon tuwing mahal na araw, hindi sila mapupunta sa langit. Hindi mapapatawad ‘yung kanilang mga kasalanan. Kaya ‘wag na lang. ‘Wag na nating intindihin ‘yung basic needs ng mga tao. They can take care of themselves. Magpagawa na lang tayo ng marami pang poon.