Sa tuktok ng bundok

by Sankage Steno

Umakyat ako sa Pundaquit nung Sabado kasama yung mga dati kong estudyante na tropa ko na ngayon. Ayos, di ba? Buti na lang talaga at naging teacher ako. Saglit lang yung akyat namin, mga two hours, tapos two hours din pababa. Mahirap lang sya nang konti dahil wala masyadong puno at saka mabato. Pero beginner’s level pa rin sya.

Habang nasa tuktok kami at tinatanaw yung Anawangin Cove, bigla akong tinanong ng isa kong kaibigan: Sir, anong ginagawa nyo pag nasa tuktok ng bundok?

Nabigla ako nang slight sa tanong. Napaisip ako ng mga 0.43 seconds. Sinagot ko agad kasi ayokong mag-isip nang mahaba. Sayang ang pagmo-moment sa bundok. Sabi ko, “Sumisigaw ako ng ‘Ayoko na! Ang sakit-sakit na!'”

Pero syempre biro lang yon. Di ko pa talaga nagawa yun sa ilang bundok na naakyat ko. Nakailan na nga ba ako? Hmmm. Naakyat ko na yung Pulag (Benguet), Kiltepan/Fidelisan (Sagada), Batad/Banaue (Ifugao), Minalungao (Nueva Ecija), Tapyas (Coron), Taal (Batangas) at yung Pundaquit (Zambales) nga recently.

Sa lahat nang yan, Pulag lang ang talagang seryosong bundok. Yung iba kasi, parang burol lang, except Taal na isang bansot na bulkan. So, isa pa lang talaga naaakyat ko. Tapos yung sa Pulag, Ambangeg pa yung trail, pam-beginner talaga. Pero sobrang hirap nun kasi di ako prepared sa lamig. Worth it naman yung experience. See figure below.

Bundok

Nakaka-miss yung hirap at pagod sa pag-akyat at pagbaba ng bundok. Gusto kong ulit-ulitin. Pero pag naman andun na ko, parang gusto ko nang sumuko. Adik no? Well.

Kapag nakakarating ako sa tuktok ng bundok, syempre ine-enjoy ko yung view, pero di ko naman iniisip na na-conquer ko yung bundok (as if) o na-conquer ko yung sarili ko. Wala lang. Umakyat ako. Tapos?

Kaya yung tanong na yon ng kaibigan ko, hanggang ngayon napapaisip ako. Ano nga ba ang ginagawa ko pagdating sa tuktok ng bundok (maliban sa sight-seeing at pagmo-moment kuno)? Sige na nga, I’ll be honest with you. Sasabihin ko na yung talagang ginagawa ko. Alam mo ba yung tagpo sa buhay ni Hesus na tinukso sya ng diablo nung dalin sya sa bundok?

Sa totoo lang, iniisip kong ako si Satanas at tinutukso ko yung anak ng Diyos.