Mary Jane

by Sankage Steno

Andami kong gustong sisihin sa nangyari kay Mary Jane. Pero bago ako magsimula sa pagratrat dito, sandali muna tayong manahimik para sa kanya at sa marami pang biktima ng panloloko, kahirapan at droga.

Nakakalungkot.

Gusto kong sisihin yung justice system sa Indonesia dahil meron silang death penalty. Firing squad pa. How public and primitive can you be? Ba’t di na lang guillotine para mas luma?

Ang ayoko kasi sa death penalty, pwede nitong maparusahan yung mga inosente. Hindi naman kasi perfect ang justice system natin (o nila), at madalas e yung mga mahihirap lang o walang pambayad ng mahusay na abogado ang nasesentensyahan ng ganyan. I don’t have the stats, pero feeling ko mas maraming dukha ang nabitay kesa mayayaman.

Gusto ko ring sisihin ang pamahalaan natin dahil nahuli sila ng pagbibigay ng suporta kay Mary Jane. Ilang taon na pala s’yang nakakulong pero ngayon lang nabigyan ng pansin kung kelan huli na ang lahat. Nakakainis din na kinukunsinti pa ng gobyerno ang pag-o-OFW ng mga kababayan natin porke malaki yung kinikita ng bansa sa mga padalang dolyar.

Kung meron lang sanang matinong trabaho na nakuha si Mary Jane dito, hindi na n’ya papangarapin pang umalis ng Pilipinas.

Syempre, dapat ding sisihin yung mga illegal recruiter na naglipana dito. Hindi na kayo naawa. Mahirap na nga yung mga binibiktima n’yo, pahihirapan n’yo pa lalo. Sa’n kayo kumukuha ng ganyang klase ng ugali? Di ko na tatanungin dahil sigurado akong wala kayong budhi. Kung meron man, nagnanaknak na at itim na itim.

At kayong mga drug dealer, sana mabitay din kayo balang araw.

I raise my middle finger to all of you, guys.

P.S.
Sa kung sino mang nag-iisip d’yan na gawing pelikula ‘yung buhay ni Mary Jane, please stop. Nagawa na ‘yan kay Flor Contemplacion noon. Mismong si Nora Aunor pa ang gumanap. May nabago ba? May naitulong ba? Wala.

Pero hindi kita pipigilang humugot ng inspirasyon sa pangyayaring ito.