Takeaway

by Sankage Steno

Habang tumutugtog sa tenga ko ‘yung Dancing On My Own ni Calum Scott, naisip ko bigla ‘yung isang scene sa Avengers: Age of Ultron. Ang tinutukoy ko e ‘yung nag-iinarte si Thor kaya humiwalay s’ya sa grupo para mag-soul searching. Tapos pinuntahan n’ya si Dr. Erik Selvig sa university.

Nu’ng magkita sila, nalaman agad ni Dr. Erik na me kailangan sa kanya si Thor, na na-confirm naman n’ya agad sa diyos-diyosan ng Asgard, so sabi na lang n’ya…

It feels good to be needed.

‘Yun lang ang kaisa-isang napulot ko sa movie na ‘yon. I mean, maganda s’yang panoorin, enjoy sa mata, pero sa isip at sa damdamin, wala masyadong dating. I’m not complaining, just saying. Kung me reklamo ka sa feedback ko, tara sa labas, papawis tayo.

Anyway, ‘yun nga. Hindi ako na-touch nang umalis si Hulk at i-friendzone si Black Widow o nu’ng mag-preach si Vision kay Ultron bago n’ya ito pailawan ng kanyang gem sa noo. Feeling ko ‘yun talaga ang pinaka-moral lesson ng movie e, ‘yung talkies sa pagitan ng dalawang Stark creations, pero di ko kinagat. Mas tumatak talaga sa ‘kin ‘yung “It feels good to be needed.”

And you know what doesn’t feel good? Obviously, ‘yung alam mong walang me kailangan sa ‘yo. Walang me gustong makita ka o makausap ka o hingan ka ng tulong (kahit opinyon) o lapitan ka man lang o yayain ka sa mga lakad o sabihan ka ng sikreto o i-joke ka o kahit awayin at inisin ka.

Isa ka lang bato sa gilid ng daan, nilalampasan at di napapansin.

Mali siguro ako kung ermitanyo ka o isang magiting na introvert. In general, I suppose, mas masaya pa rin kung alam mong merong nangangailangan ng pagtingin mo o ng pakikisama mo o ng opinyon mo o kahit ba ng pera mo lang (at katawan?).

Akala ko talaga wala akong makukuha ni katiting na insight sa mega-budgeted movie na ‘yon. Meron naman pala. Ang tanong ko na lang: When will I feel good?