Pinakamadilim na gabi

by Sankage Steno

Iyon na yata ‘yung pinakamadilim na gabing naranasan ko sa kulang tatlong dekadang pag-iral ko rito sa mundo. Ang taray lang nu’ng salitang ‘pag-iral’ ‘no? Ka-level n’ya ‘yung salitang ‘puwang’ for me. Wala lang. Ang sarap lang gamitin.

Sorry, na-distract ako.

Ayun na nga, nasaksihan at naranasan ko ‘yung isang napakadilim na gabi nu’ng minsang umakyat ako sa Bundok Pulag tatlong taon na ang nakakalipas. Isa lang talaga ‘yung target ko nu’ng umakyat ako: ang makita ‘yung pamosong sea of clouds doon.

Alam mo ba? Hindi porket umakyat ka ng Pulag e sure kang makakakita ka ng sea of clouds. Tsambahan lang din. Minsan puro hamog lang ang nasa tuktok at wala kang ibang makikita. Marami na ‘kong narinig na kwento ng mga hikers na nakadalawa o tatlong punta na do’n pero di pa rin nakikita ‘yung sea of clouds.

Parang ‘yung Bulkang Mayon sa Albay. Hindi dahil pumunta ka du’n e pagbibigyan ka na ni Magayon na makita mo s’ya. Mas madalas na natatakpan s’ya ng ulap buong araw kesa ‘yung kitang-kita mo ‘yung buong ganda n’ya.

My point is, ang swerte ko lang. Thanks.

Pucha, na-distract na naman ako.

So, ‘yun nga, pag-akyat ko sa camp site ng Pulag, sobrang dilim. Walang poste ng ilaw, walang lampara, walang bonfire. Ang ilaw lang namin e ‘yung sa cellphone at sa kalan kapag nagluluto. Meron din kaming flashlight, pero ginamit namin ‘yon before umakyat sa summit. Basta sa sobrang dilim, di mo alam kung ‘yung nasa gilid mo ba e lupa pa o bangin na.

Nu’ng huli kong akyat sa Mt. Bandilaan naman, hindi gaanong madilim kasi malapit kami sa community so may mga bahay na may kuryente. Tapos nabalitaan ko sa isa kong kasama roon na nu’ng nagpunta raw sila sa Pulag lately, di raw sila nag-camping. Bawal na raw. How true is that? Kung bawal nang mag-camping, di na nila mararanasan ‘yung naranasan ko du’n.

Di ba nga sobrang dilim? May benefit pala ‘yon na du’n ko lang nalaman. Kapag napakadilim sa lupa, sobrang liwanag naman ng langit (unless maulap, syempre). As in. Putangina n’ya napakaliwanag sobra! Nu’n lang ako nakaranas makakita ng sobrang daming tala/bituin/stars. To say na nalula ako sa dami is an understatement.

Sobrang nanliit ako sa universe, taragis ‘yan.

Naalala ko tuloy ‘yung bisyo ko nu’ng bata pa ‘ko na kapag naupo sa gilid ng daan para magpahinga sa kakalaro, tapos matititig ako sa isang halaman o bato, lilipad na ‘yung isip ko sa kung ga’no kalaki ‘yung universe at kung ga’no kaliit ‘yung buhay ko kumpara sa sanlibutan. Tapos matatakot na ‘ko at malulungkot. Adik ko lang ‘no?

Du’n sa Pulag, hindi kinaya ng utak ko ‘yung lawak ng kalawakan. Hindi bababa sa isang libong tala ‘yung andu’n sa area na ‘yon, I swear. Baka nga 10,000 pa e kung di lang malabo ‘yung mata ko. At ang normal reaction ko kapag nao-overwhelm? Napapapikit.

Parang nu’ng nanalo lang ako sa game show seven years ago.

Which is kinda ironic. Dapat nga mas dumilat pa ‘ko dahil di ko dapat ma-miss ‘yung mga gano’ng karanasan. But no, di ko talaga kinakaya minsan. Pipikit ako to gather some inner strength para matanggap ulit ‘yung matinding emosyon na bumubuhos sa ‘kin.

Kaya nu’ng makita ko ‘yung sea of clouds the next morning, di na ‘ko masyadong nalula. Meron kasi akong expectations, tapos na-meet n’ya. E di masaya. E ‘yung nagpasikat sa ‘kin ‘yung universe (or ‘yung katiting na bahagi ng universe called Milky Way) the night before na hindi ko naman inasahan, mas masaya. Syempre mas malakas ang impact sa ‘kin no’n. Unexpected e.

So siguro dapat hindi na ‘ko mag-expect sa susunod. Easier said than done. Ito ‘yung lesson na mahirap i-unlearn talaga. And, yes, pareng Shakespeare, may tama ka ulit. “Expectation is the root of all heartache.” To be precise:

Oft expectation fails, and most oft there
Where most it promises; and oft it hits
Where hope is coldest, and despair most fits.