‘Yung gano’ng klaseng love

by Sankage Steno

Minsan nagigising ako sa madaling araw at nakakaramdam na lang bigla ng takot. Nangyayari s’ya kahit di naman ako nagbasa o nanood ng horror bago matulog.

Kapag kinikilabutan na ‘ko, tititig ako sa isang madilim na espasyo sa kwarto ko at hihintaying mag-adjust sa dilim ‘yung mga mata ko. At kapag wala akong nakitang entity sa direksyon na ‘yon, ililibot ko s’ya sa buong paligid para alamin kung me iba akong kasama o kung me nanonood sa ‘kin habang natutulog.

Madalas naman wala akong nakikitang kakaiba.

Babalik na lang ako sa pagtulog at susubukang patahimikin ‘yung imagination ko. Kaso lang, hindi madaling i-switch off ‘yung imagination. In fact, lalo pa s’yang lalakas kapag pumikit na ‘ko, to the point na minsan, gusto ko nang umiyak sa takot. Minsan nagdadasal ako sa kung kani-kanino para protektahan ako sa hindi ko nakikitang anuman. Minsan sinusubukan kong umisip ng masasayang karanasan. Minsan nagpapatugtog ako ng paborito kong kanta.

Minsan tinatawag ko si Mama… pabulong o sa isip lang, kahit pa madalas e wala naman s’ya dahil nasa Maynila ako at nasa probinsya s’ya. Hindi man tuluyang lumilisan ‘yung takot ko, para namang naiibsan ‘yung stress ko sa katawan. And before I know it, nakatulog na pala ako. Gigising ako sa isang panibagong araw na parang walang nangyari.

Me magic talaga ‘yung pagmamahal ng isang ina.

Hindi ko lang maintindihan kung bakit ‘yung gano’ng klaseng love e hindi pa rin sapat para makuntento ako sa buhay at sumaya.