Walang panaginip

by Sankage Steno

I’m listening to Lea Salonga’s version of Still Hurting from the musical The Last Five Years, pero, trust me, malayo s’ya sa nararamdaman ko ngayon. Well, siguro hindi ganu’n kalayo, although I like to think that I’m okay right now. I’m feeling much better as compared to, like, the last two months.

Malaking tulong ‘yung nakikipagkita ako sa iba-iba kong kaibigan. Buti marami ako no’n. Buti mayaman ako sa gano’ng aspeto ng buhay. Kaya, maraming salamat sa mga kaibigan ko.

Pero ang isa pang malaking tulong sa ‘kin kaya ako okay ngayon e ‘yung mga paglalakbay na ginawa ko ngayong tag-init. Alam mo ba, and for the record na rin, nakapunta ako sa Nueva Ecija, Zambales, Benguet, Mt. Province at Marinduque sa loob ng dalawang buwan? Di na masama.

Nakakatuwa. Sobrang tahimik du’n sa Marinduque. Hindi ako mapakali dahil nu’n lang ulit ako nakaranas ng sobrang katahimikan. Kinailangan ko pang mag-“acclimatize” sa environment para ma-enjoy ko ‘yung bakasyon ko roon. Ibang klase. Nakapag-adjust naman ako agad. Nakapag-relax, syempre, at nakatulog nang mahimbing. ‘Yung walang panaginip.

Nu’ng unang gabi namin, habang naghihintay ng hapunan, nakatambay kami sa may dalampasigang magkakaibigan at nagkukwentuhan nang biglang nagpasikat ‘yung sandamukal na tala sa kalangitan. Parang nu’ng sa Pulag lang. At, seryoso, nagtu-twinkle talaga silang lahat. Nasa kalagitnaan kami ng kwentuhan at panonood sa mga bituin nang biglang me pumuslit na shooting star.

Shet. Magical. Bumalik ako sa pagkabata. At alam mo ang wish ko?

Love. Life.

Sinubukan ko ulit mag-abang ng isa pang shooting star nu’ng sumunod na gabi. Mas marami akong nakitang stars dahil mas konti ‘yung ulap, pero walang dumaang shooting star. Hindi ko tuloy nasabi ‘yung isa ko pang wish. Sa akin na lang ‘yon.

Habang nangangawit ‘yung leeg ko sa kakatingala, naisip ko, bakit ambobo ko? Bakit andami kong hindi alam sa buhay? Sa mundo? Sa kalawakan? Bakit habang tumatanda ako at dumarami ang experience, lalong tumitindi ‘yung pagnanasa kong alamin ‘yung mga misteryo sa buhay kahit alam kong hindi ko rin naman malalaman? O kung malaman ko man, baka hindi ko rin maintindihan?

Baka kasi hindi pa ganu’n ka-evolved ‘yung utak ko para maintindihan ‘yung mga misteryo sa universe.

Existentialist ba ako? Nihilist? Post-modernist? Fundamentalist? A mix of everything? Kebs. Andaming titles sa mundo. Andami nating salita. Andaming forms of communication. Bakit di pa rin tayo magkaintindihan? Bakit di pa rin n’ya ako sinasagot? Kulang pa ba ang mga tula?

Umurong ‘yung dagat. Umihip ‘yung hangin. Nagpatuloy sa pagkislap ang mga tala. Lalo ko tuloy gustong mabuhay.