Floating

by Sankage Steno

Di ba sabi ko, di na muna ako maliligo sa swimming pool kasi kadiri? Hindi nga. Kaya sa dagat ako pumunta nu’ng weekend.

Du’n sa Maniwaya Island, maraming baryaw-baryaw (seagrass) pero malinis at malinaw ‘yung tubig, pramis. Kahit inihian at dinuraan ko s’ya, malinis pa rin, I swear. Unlike sa pool. Eww. Hindi lang ako masyadong sure sa judgment ko, pero parang hindi rin ganu’n kaalat ‘yung dagat du’n kumpara sa ibang tubig-dagat na nainom ko sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.

Pagkatapos kong tantsahin ‘yung lamig (o init) ng tubig at matapos akong lumangoy nang ilang metro, ginawa ko na ‘yung paborito kong ginagawa kapag nasa dagat. Gago, anong masturbate? Tangina nito. Bastos! Gusto mong makabuntis ako ng balyena? Kadiri kaya.

Humiga ako at nagpalutang lang du’n forever.

Hindi naman talaga forever, mga ilang minuto lang. Hinayaan ko lang ‘yung katawan kong maging parang kabahagi ng dagat. Nakalubog din ‘yung dalawa kong tenga kaya feeling ko naririnig ko ‘yung sinasabi ng dagat sa ‘kin. Ang sexy raw ng likod ko saka ang gwapo ko raw kapag nakatalikod. Sinagot ko naman s’ya, “Wait ka lang kapag nakita mo ‘yung front ko.”

Boom!

Gustung-gusto ko ‘yung pakiramdam na ‘yon—‘yung palutang-lutang lang sa dagat, tapos naaarawan ‘yung mukha ko, tapos tanaw na tanaw ko ‘yung bughaw na kalangitan. Kapag nasilaw na ‘ko, pipikit ako, at lalo ko namang mararamdaman ‘yung pag-ugoy sa ‘kin ng alon. Taena, sarap! Close to orgasm levels s’ya for me. I mean, close to climax. Parang foreplay, ganyan.

Ang nakakatuwa sa pakiramdam na ‘yon kapag nagpapalutang ako sa dagat, meron s’yang kaunting takot. Dahil nga nakapikit ako at nakatihaya, hindi ko alam kung naanod na ba ako sa malalim na parte o baka naman bigla na lang may pating na lumamon sa ‘kin. Pwede ring bigla na lang akong lapitan ng mga dikya. Pero pinakanatatakot akong malayo sa dalampasigan.

Ewan. Gusto ko ‘yung dagat, pero takot ako sa kanya. Posible naman ‘yon, di ba? Na takot ka sa isang bagay na gustung-gusto mo? Ang weird pa nito, sanay naman akong maglangoy at mag-floating, bakit natatakot akong maanod sa malalim na parte ng dagat? Antanga ko rin minsan e.

Maybe it’s a reflection of how I try to live my life. Yes, pa-deep na naman. Existential chenes na naman ire. Wooh! Rakenrol! Pero, seriously, baka nga ganu’n. Andami kong doubts and fears, at takot akong magpaanod nang malayang-malaya. E sino bang hindi takot, di ba? Hindi naman ako nag-iisa sa ganitong disposisyon.

Siguro dapat akong uminom ng Nestea pa more and just take the plunge.

Maniwaya