Pangulong Duterte

by Sankage Steno

Nagpunta ako sa Davao City noong 2010 para magpuslit ng droga. Charot. Nagbakasyon lang ako do’n—kumain ng durian, nakipagtitigan sa Philippine Eagle, nag-zipline nang patiwarik, nagsunog ng balat sa Samal Island, kinindatan ‘yung Mt. Apo at dumalaw kay Oble. In fairness nga, ang linis at ang peaceful sa lunsod na ‘yon, plus ang mura pa ng mga bilihin.

Kung magagawa ni Duterte ‘yon sa buong Pilipinas, #ediwow. Pero iba ang Davao sa Pilipinas. Baka hindi lang death squad ang kailanganin n’ya para maayos ‘yung peace and order situation ng bansa. Baka kailanganin na n’yang bumuo ng Death Army na magagamit n’ya para pumatay ng mga petty criminals without a proper trial.

Ah, the proper trial.

Alam mo, sa isang mature na bansang gumagana ang democracy at lahat ng institutions involved dito, tulad ng justice system, hindi maganda ‘yung ala-Batman style na pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan ng lugar. E pero dahil immature at hilaw ‘yung demokrasya sa bansa natin, feeling ko mas tatalab ‘yung pamamaraan ni Duterte.

Exhibit A: Davao City.

Dahil hindi napaparusahan (o nahuhuli man lang) ‘yung mga kriminal dito (lalo na sa Metro Manila) at dahil mismong mga nasa pwesto pa minsan ang mga kriminal na ito o nagpoprotekta sa mga kriminal, malabo talagang gumulong ‘yung hustisya at maparusahan ‘yung mga masasamang loob. Ito ‘yung dahilan kung bakit maraming Pilipinong nag-iisip na effective si Duterte bilang lider.

Ito rin ‘yung tingin kong dahilan kung bakit marami pa rin ang umiidolo ke Marcos kahit pa andami n’yang ninakaw at pinapatay sa Pilipinas.

Hindi kasi natin kayang disiplinahin ‘yung sarili natin kaya humahanap tayo ng “tatay figure” na gagamit ng kamay na bakal para siyang dumisiplina sa atin. Naghahanap tayo ng “super hero” na magliligtas sa atin tuwing may madudukutan, tuwing may mare-rape, tuwing may mapapatay, atbp. Ganyan kaisip-bata ‘yung lipunan natin.

Kaya naman hindi na ‘ko magugulat kung mananalong pangulo o pangalawang pangulo itong si Duterte sa halalan sa susunod na taon. Ang problema nga lang, kailangan n’yang labanan ang bagsik ng anak ni FPJ (isang action star aka super hero) at ang iba pang mga makapangyarihang nilalang sa Imperial Manila (na hindi rin naman basta-basta papakabog).

Simulan na ang circus!