Beaching Buhay

by Sankage Steno

Nasa Puerto Galera dapat ako ngayon e, kaso nahuli ‘yung invitation sa ‘kin ng tropa ko kaya hindi ako nakapag-leave sa trabaho. Kaya eto ako ngayon, nasa trabaho at nangangarap na naglalangoy sa malinaw na tubig-dagat ng Oriental Mindoro at nagpapakalasing sa Mindoro Sling. Pakshet.

Last year, sinama ko ‘yung dalawa kong kapatid du’n sa Poor Man’s Boracay. Ewan ko, pero tuwang-tuwa ako nu’ng nakita kong amaze na amaze ‘yung bunso kong kapatid sa mga corals at isda du’n sa snorkeling site nila do’n. Medyo malaki ‘yung nagastos ko pero sulit naman.

Para akong tatay na proud na proud sa anak, ganyan.

Nu’ng gumabi na, saka naglabasan ‘yung mga fire dancers at ‘yung mga performers du’n sa tabi-tabing bar sa may beach. Nawala sa isip ko na party place nga pala ‘to, e menor de edad pa ‘yung isa kong kapatid. Ang ending, nakita n’ya ‘yung mga palabas na hindi angkop para sa edad n’ya.

Jusme! Ang aga n’yang na-expose sa mga baklang tuwad nang tuwad at pakita nang pakita ng mga kung anu-anong parte ng katawan nilang dapat e tinatago. Kahit ako nagulat sa nakita ko. Perstaym ko kasi du’n last year. Di ko in-expect na ganu’n pala ‘yung entertainment du’n. Now I know kung bakit s’ya tinawag na Poor Man’s Boracay. Dugyot talaga. Pero masaya.

Wala na ‘kong nagawa. Nakita na ng kapatid ko ‘yung mga hindi n’ya dapat makita. Bagsak ako sa parental guidance. Buti na lang hindi nagkwento ‘yung kapatid ko pag-uwi sa ‘min. So walang idea si mama, I think. Mas naalala n’ya kasi ‘yung mga corals at isda, lalo na si Nemo, ‘yung nag-iisang clown fish na namataan namin.

Buti na lang ginastusan ko ‘yung snorkeling.

Nai-imagine ko tuloy kung anong experience kaya kung natuloy ako sa Galera ngayon. Kapag kasi mga kapatid ang kasama ko, syempre dapat behaved ako. Dapat role model. Dapat busilak ang kalooban, pino ang mga galaw. Pa-virgin, ganyan. E kung mga katropa ko ang kasama? Puta. Walang uuwing walang tama. Basagan. Sunugan ng baga. Ubusan ng condom. Taragis ‘yan.

Biro lang. Virgin pa po talaga ako, pramis. Try mo pa.

Tengene naman kasi. Gusto kong sumunod kaso baka pagbalik ko ng Maynila, wala na ‘kong trabaho. Di ko rin maintindihan ‘yung sarili ko minsan. Nakailang gala na ‘ko ngayong tag-init, di pa rin ako nagsawa. Nognog na kaya ako. Lahat ng makakita sa ‘kin, sinasabi, “Bakit ang itim mo na?”

Ang sagot ko na lang, “Thank you.”

At least nakapag-beach. Laging nasa beach to be exact. May time at perang magbakasyon sa kung saan-saan.

Naiisip ko pa lang ‘yung dagat, gumagaan na ‘yung pakiramdam ko. Para akong dinuduyan ng mga alon habang nagpapalutang-lutang lang sa tubig at nakatingin sa kalangitan. Shet. Da feels. Kapag nasa beach talaga ako, parang ang sarap at ang dali lang ng buhay. At kapag iniisip ko, lalo na ngayon, parang ginaganahan akong magtrabaho para may pera akong pambakasyon.

Long weekend sa June 12, ‘no?