May nanonood sa ‘yo

by Sankage Steno

Kapag nagigising ka sa madaling-araw, sa pagitan ng alas-dos at alas-singko, anong nararamdaman mo?

Nitong nagdaang Lunes at Martes, merong hindi nagpatulog sa akin. Noong una, inisip kong stress sa trabaho, pero nu’ng naulit the next night, du’n ko naisip na hindi lang ‘to basta insomnia dulot ng stress. Never akong di nakatulog ng dahil sa trabaho. Dahil sa broken heart, pwede pa.

Saktong alas-dos y media ako nagising, Monday and Tuesday. Same time. Noong Lunes, pagkadilat na pagkadilat ko, nakaramdam agad ako ng takot. Madalas akong magising sa madaling-araw. Halos gabi-gabi e nagigising ako, pero bihira akong magising na takot. Minsan naiinitan ako, minsan giniginaw, minsan uhaw o gutom, pero bihirang-bihira yung takot. Takot agad yung sumalubong sa ‘kin pagkagising ko.

Gaya ng lagi kong ginagawa kapag nagigising at nakakaramdam ng takot, pinapakiramdaman ko yung paligid ng kwarto ko. Pinipigilan kong mangilabot. Kaya kong kontrolin yung kilabot ko. Nagawa ko naman. Sunod kong ginawa, nilingon ko yung bawat sulok ng madilim na silid ko. Hindi bukas na bukas yung third eye ko pero nakakaramdam ako, nakakarinig at nakakaamoy. Oo, amoy. Me amoy ang demonyo. Ang multo, wala.

Nakakakita ako minsan, pero sa panaginip lang. Hindi ako nanaginip nu’ng Lunes ng madaling-araw.

Umaasa akong me makikita ako sa dilim pero wala namang nagpakita. Pumasok sa isip ko yung babaeng walang mukha at yung babaeng sumigaw nang paulit-ulit sa tenga ko na parang pinapatay. Kala ko kasi sinundan na naman ako pati dito sa bago kong tinutuluyan. Mukhang di pa naman ako nasusundan. I think. Iba kasi yung pakiramdam ko ngayon.

Dahil wala naman akong nakita, sinubukan ko ulit matulog. Fail. Mula 2:30 ng madaling-araw hanggang lampas alas-singko, gising na gising yung diwa ko. Nakapikit pero hindi tulog. At yung takot ko, hindi nawawala. Ang pakiramdam ko talaga, me kasama akong iba du’n sa kwarto ko. Pakiramdam lang naman. Hindi ko nga makita. Wala pa ‘kong ganu’ng gift.

Alam kong me kasama akong iba na hindi ko nakikita kasi nararamdaman ko kung nasaan s’ya. Alam kong nasa may paanan ko s’ya, du’n sa isa pang kama na walang gumagamit. Dapat kasi yung kapatid ko ang gagamit no’n, e hindi na tumuloy. Nabakante tuloy. Ako na lang mag-isa sa kwarto, except nu’ng Lunes. Ang ginawa ko, nagpalit ako ng pwesto. Sa may paanang bahagi ng kama ako umulo para kako mas “mabantayan” ko yung sino mang nararamdaman ko sa kabilang kama.

Noong Martes, ganu’n na ganu’n ulit yung naramdaman ko. Alam ko talagang may ibang nilalang du’n sa isang kama na hindi ko nakikita. Hindi naman n’ya ako ginalaw. Hindi n’ya ko sinigawan o nagpakita sa panaginip o naglabas ng masangsang na amoy gaya nu’ng mga naranasan ko sa dati kong boarding house. Tahimik lang s’yang pinanonood ako habang “natutulog.”

Hindi nga ako makatulog dahil sa kanya. Bwiset lang.

Noong Miyerkules hanggang Biyernes, nakatulog na ‘ko nang mahimbing. Biglang nawala yung “bantay” ko. Baka lumipat ng kwarto. O baka lumipat ng ibang bahay. Kung magigising ka mamayang madaling-araw, pakiramdaman mo yung kwarto mo.