Kapal ng mukha lang ang puhunan

by Sankage Steno

Naki-jam ako sa banda nung Sabado nang magkayayaan kaming magkakaibigan na uminom. As usual, kapag ganyang kantahan, game na game ako kahit pa walang warm up o practice yung boses ko. Professional e. Professional? Pagkakanta ko ng Your Love ng Alamid, me na-realize ako. Oo, dapat talaga laging me realizations para magka-sense naman yung boring kong life.

Napagtanto (Yes, lalim) ko na ang kapal talaga ng mukha ko. Anlaki na ng kinapal ng mukha ko since grade school. Naalala ko noon na kumakanta lang ako kapag sa choral competition kasi marami kami at hindi masyadong dinig yung boses ko. Nung high school naman, sumali na ‘ko sa Battle of the Bands, pero hindi ako yung lead vocals, tapos nanginginig pa yung hawak ko sa mic.

E ngayon? Jusme. Ako pa yung nagbo-volunteer sa sarili ko kapag kailangan ng performer sa office. At kapag nasa bar na may live band, isa ako sa mga nangungunang nagtataas ng kamay kapag nagtawag na ng jammer yung banda. Hindi ko talaga alam kung saan na napunta yung hiya ko. Hinanap ko minsan sa puso ko, wala s’ya. Baka nasa puso mo. At lalo namang hindi ko alam kung saan ako humuhugot ng kapal ng mukha. Di ko naman s’ya namana. Lahat kaya ng kamag-anak ko puro mahiyain.

Halata naman sa blog ko, di ba? Saka obvious sa tono ng pagsusulat ko na me pagkakupal ako at walang modo. Nakaka-amaze lang yung transformation ko from pa-virgin na student na laging conduct merit awardee to someone na kahit d’yan sa kinalalagyan mo, nahahawakan mo yung mukha ko. Ganun s’ya kakapal.

Kung minsan e napapahamak at napapahiya ako dahil sa ugali kong ‘to, minsan din naman e napapakinabangan ko s’ya. Tulad nga nu’ung naki-jam ako. Pagkakanta ko ng first line, sabi bigla ng vocalist ng banda (na magaling talagang kumanta, in fairness), “Tatahi-tahimik lang si kuya. Me boses pala.” Yes, nagbubuhat ako ng bangko. Masanay ka na. Tapos habang kumakanta ako, napapapalakpak at hiyaw ko pa yung ibang parokyano ng bar na hindi ko naman kakilala. At me sumigaw pa ng “More!”

Encore is the best form of flattery para sa isang singer na tulad ko. Singer talaga? Buset.

E di sumaya ako nang slight dahil sa lakas ng loob kong kumanta sa harap ng strangers. Kung hindi ako naki-jam, for sure manghihinayang ako at hindi makukumpleto yung inom ko nu’ung gabing ‘yon.

Pero ang pinakamaganda talaga kapag kinakapalan ko yung mukha ko, nararamdaman kong kinakabahan ako at medyo natatakot na pumalpak. At kapag kabado ako o natatakot, I feel so alive.