Gusto mo rin ng sunset?

by Sankage Steno

Binabasa ko ulit yung The Little Prince ni Saint-Exupéry. Nahinto ako sa last part ng Chapter 6, mismong sa ibabaw ng number 7. Tinamaan kasi ako.

Noong isang taon, nagpunta ako sa Puerto Galera kasama yung mga kapatid ko. Pagkatapos naming mag-snorkeling, bumalik kami sa beach, dun sa may party-party. Medyo nagulat ako kasi biglang dumami yung mga tao. Then naalala ko, parang Boracay nga pala yung beach dito. Hindi s’ya pan-relax. Pang-tugs-tugs s’ya at pangwasakan.

Papagabi pa lang. At gaya sa Boracay, merong sunset. Naupo muna ako sa buhanginan at pinanood yung sunset. Basta may sunset, tumitigil ako sa ginagawa o iniisip ko para panoorin s’ya. Kahit nasa bus ako habang binabagtas yung NLEX o nasa Roxas Boulevard o kaya e Boracay o kahit saan pang parte ng Pilipinas na meron, laging tumitigil yung mundo ko.

Nilabas ko yung digicam ko at kinunan ng maraming pictures yung sunset sa Galera. Dahil mumurahin lang yung camera ko, hindi n’ya na-capture yung talagang ganda ng sunset. Pero pwede na rin. Pwede nang panlagay sa Facebook. At yun nga ang ginawa ko. Pagbalik ko sa Maynila, in-upload ko sa FB ko yung mga kuha ko ng sunset kahit di s’ya professional level. Kung friend kita sa FB, baka naalala mo yun o nakita mo last year.

Ang title ng album e napaka-unique: Galera Sunset. Pwedeng-pwede mong halukayin sa photos ko. Madali mo lang makikita. Pero yung caption n’ya, nilagay ko: Bakit ang ganda ng sunset? Pakisagot nga.

Me mga pumatol naman. Yung mga teacher ko nung high school na regular ding nagbabasa ng blog ko. Thank you so much. Me isa pa ngang nag-share ng photo ko sa timeline n’ya. In fairness. Pero sa mga sumagot sa tanong ko sa caption, wala ni isang nakapag-convince sa ‘kin.

Until now.

Kung di ko pa muling binalikan si Little Prince. S’ya lang pala yung makakasagot. Sabi n’ya sa last part ng Chapter 6:

“One day,” you said to me, “I saw the sunset forty-four times!”

And a little later you added:

“You know—one loves the sunset, when one is so sad . . .”

Hay, tangina. And here I am, terribly in love with the sunset.

Galera sunset