CASAAlaala

by Sankage Steno

Sa CASAA Food Center ko dati inii-stalk yung crush ko sa Bio 1. Tuwing matatapos kasi yung klase namin, dun kami tumutuloy para magpa-photocopy ng lecture o readings. Syempre, hindi naman ako maka-aura sa klase dahil busy at nakakahiya, so dun na lang sa canteen na ‘yon ako dumada-moves. Hanggang pa-cute lang naman ako noon. Di rin naging kami nung crush ko.

Andami kong reklamo sa CASAA noon, at nangunguna na yung sobrang init sa loob. Ngayon sunog na s’ya. Di na ‘ko makakapagreklamo sa init. Wala na rin yung dami ng tao at yung siksikan sa loob, o yung wala kang maupuan dahil sa dami ng estudyanteng dun kumakain dahil mura. Nakakalungkot din pala kapag wala na yung pwede kong ireklamo. Parang separation anxiety lang, ganyan.

Wala akong ideya kung ano yung itatayo kapalit ng CASAA. For sure meron yan. Basta kasi may sinusunog, may itinatayong bago. Ganyan kaya ginagawa sa mga squatter’s area kapag ayaw umalis kahit nabili na ng mga feudal lords sa bansa yung lugar nila at kahit may order na mula sa pamahalaan. Andami ko nang nakitang ganyan sa Makati at sa Quezon City. Kunwaring nasunog, pero sinunog talaga. Mas mabisa kasing paraan ‘yon kesa magpadala ka ng demolition team.

Well, sana mali ako sa assumption ko. Pwede namang “nasunog” lang talaga. Either way, wala na yung dating CASAA.

Ang lungkot lang na unti-unti nang naglalaho yung mga landmark sa UP na pinaggawaan ko ng sangkatutak na alaala. Nauna nang nawala yung Beach House sa may likuran ng Main Library, tapos naiba na rin yung school calendar kaya iba na rin yung tubo ng mga sunflower tuwing “summer.” Nauna na ring sinunog noon yung Narra Residence (kahit di naman ako tumira doon).

Then, CASAA.

Ano kaya yung susunod na mawawala sa UP? Tatabunan na rin kaya nila yung Sunken Garden para gawing parking lot ng yumayamang student population sa unibersidad? Sunod na ba nilang susunugin yung Shopping Center para gawing Ayala Center? Patutuyuin na rin ba nila yung lagoon para tayuan ng commercial building with green spaces for leisure and recreation?

Subukan lang nilang tanggalin si Oble.

I’m not against change and progress, pero sana naman may mabalikan pa ‘ko sa UP na kilala ko at magpapaalala sa ‘kin ng mga pinaggagagawa ko noong college. Kahit nga yung tambayan namin noon, nalipat na rin. Ginawa nang carpark yung kaisa-isang silungan namin doon. E kaso, ano namang laban ng sentimental value sa convenience and commerce, di ba? Panahon lang ang makapagsasabi kung ano yung susunod na masusunog at mawawala sa UP.

Pampalubag-loob: At least may magaganda akong memories sa CASAA at sa UP in general. Buti na lang at hindi pa naiimbento yung pansunog sa alaala.